
Isang inspiring message ang binigay ni Sparkle artist Allen Ansay sa graduates ng Sparkle Prime Workshop. Ibinahagi rin niya ang sariling karanasan bilang isang aktor sa kanila.
Sumailalim ang 99 na graduates ng workshop sa iba't ibang learning modules sa acting, personality development, at public speaking. Nanguna sa graduation sina GMA Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes, Sparkle GMA Artist Center First Vice President Joy Marcelo, at iba pang opisyal ng GMA Artist Center.
"Lagi kong sinasabi talaga sa mga nanghihingi ng advice sa 'kin na gumawa ka na ng maraming mali sa workshop kasi sila, nandiyan sila para turuan ka, para pagdating sa work, mas ma-improve mo na 'yung sarili mo, alam mo na kung paano 'yung gagawin," sabi ni Allen sa panayam kay Nelson Canlas para sa 24 Oras Weekend.
Sa parehong panayam, ipinahayag ni Atty. Gozon-Valdes kung gaano siya kasaya na maraming graduates ang batch na ito ng workshop.
Aniya, "Nakikita ko na ang mga kabataan ngayon ay talagang nag-i-invest sa sarili nila, sa personality development, sa pag-hone ng talents nila, and I'm sure na magkakaroon sila ng mga career. Kung hindi man sa showbiz, magiging inspirasyon sila sa mga nakapaligid sa kanila."
Ang Sparkle Prime Workshop ay nag-aalok ng iba't ibang programa para sa mga kabataan at teens. Ang Kids 360 Workshop na para sa 6 to 14-year-olds ay may mga klase sa acting, public speaking, at dance.
Samantala, ang Fundamentals of Acting naman, na bukas sa mga 15-year-olds pataas, ay nakatuon ang pansin sa pag-arte.
Mayroon ding bagong in-offer ang workshop ngayong taon, ang “Real Talk, Real Presence - Building Your Confident Voice.” Naglalayon itong tulungan ang mga lumahok na ma-enhance ang kanilang communication skills. Binuksan naman ang workshop na ito para sa mga kabataang 7-12 years old, at pati na rin sa mga teens at adults na 13 years old pataas.
Panoorin ang panayam kay Allen dito: