Inihalal ng Senate Impeachment Court si Senador Francis "Chiz" Escudero para maging presiding officer o mamumuno sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte nitong Lunes.
Inihain ni Senador Panfilo Lacson ang nominasyon ni Escudero sa posisyon, sa kabila ng pagtutol ni Minority Leader Alan Peter Cayetano at ng minority bloc. Labindalawang senador ang bumoto pabor sa pagkakahalal ni Escudero, at walo ang tumutol.
Paliwanag nina Senador Kiko Pangilinan at dating Senate President Tito Sotto, walang tahasang probisyon sa Konstitusyon na nagsasabing ang Pangulo ng Senado ang dapat magsilbing presiding office sa paglilitis sa pangalawang pangulo.
Nauna nang namuno si Escudero sa impeachment court noong 2025 nang siya pa ang Senate President.
Kasama ni Escudero na mangunguna sa impeachment trial si Senate President Sherwin Gatchalian.
Nahaharap si Duterte sa paglilitis dahil sa mga alegasyon ng paglabag sa Konstitusyon, katiwalian at korapsyon, pagtataksil sa tiwala ng publiko, panunuhol, at iba pang mabibigat na krimen.
Sa ikalawang pagkakataon, ini-impeach si Duterte sa Kamara de Representantes nitong Mayo.
Unang na-impeach ng Kamara si Duterte noong Pebrero 2025, ngunit kalaunan ay idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang Articles of Impeachment na isinampa laban sa pangalawang pangulo. — Giselle Oombay/FRJ GMA News
