
Nabinyagan na ang anak ni Tekla na si baby Angelo. Ito ang ibinahagi ng TBATS host at kanyang ka-tandem na si Donita Nose sa kanilang joint vlog account.
Noong Hunyo, ibinalita ni Tekla ang pagdating ni baby Angelo, kanyang anak sa kanyang live-in partner na si Michelle Bana-ag. Ngunit kasabay ng good news na ito ay ang nakakalungkot na update na ipinanganak ang bata na may anorectal malformation o walang butas ang puwit.
Kahit wala pang isang buwang gulang ay kinailangan na ni baby Angelo sumailalim sa kanyang unang operasyon. At upang tulungan siya sa kanyang gastusin at palakasin ang kanyang loob at ng kanyang mga magulang, ilang celebrities ang nagpaabot ng tulong at suporta kay Tekla. Kabilang dito si Willie Revillame, host ng Wowowin kung saan nakilala ang komediyante, at iba pa niyang kasamahan sa GMA Network tulad nina Lovely Abella, Aiai Delas Alas, Julie Anne San Jose at Christian Bautista
Muling isinugod sa ospital si baby Angelo nitong November at sa kabutihang-palad ay naging mabilis naman ang kanyang recovery upang makasama ni Tekla ang kanyang anak noong ika-limang buwan nito.
Dumaan man sa sariling pagsubok si baby Angelo at dumanas man ng unos ang relasyon ng kanyang magulang na nauwi sa hiwalayan, masaya si Tekla na ibalitang nabinyagan na ang kanyang anak nitong Disyembre.
Sa pamamagitan ng kanilang vlog ni Donita na 'Donekla in Tandem,' ipinakita nila ang highlights ng binyag ni baby Angelo. Kasama sa kanilang update ay ang listahan ng celebrities na kinuhang ninong at ninang para sa bata.
Ninang ni baby Angelo sina Sharon Cuneta, Ariella Arida, Janelle Tee, Lovely Abella, at Ethel Booba. Kanya namang ninong sina Boobay, Betong Sumaya, Nelson Canlas, at ang tatlong bumubuo ng Beks Battalion.
Present din siyempre ang panganay na anak ni Tekla na si Aira, at ikinuwento niya ang kanyang naging unang reaskyon nang malaman niyang ate na siya.
Wika niya, “Noong una umiyak ako kasi hindi niya sinabi sa akin na may kapatid ako.”
Nabigla man siya noong una at natakot na may kahati na siya sa pagmamahal ng kanyang ama, masaya si Aira sa pagdating ni baby Angelo.
Hiling niya para rito, “Good health [sa kanya] at good boy siya 'pag laki.”
Panoorin ito:
Samantala, silipin ang mga pinagdaanan ni Tekla sa kanyang career at personal na buhay sa gallery na ito: