
May ilang linggo nang tapos ang historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra pero para sa Love before Sunrise star na si Andrea Torres, maraming nabago “sa daloy ng mga bagay-bagay” ang karakter niya sa serye na si Sisa.
“Andaming surprises, good surprises. Talagang I think hindi mawawala sa akin si Sisa, always siyang with me,” sabi ni Andrea sa GMA Regional TV morning show na At Home with GMA Regional TV nung mag-guest siya dito noong March 16.
Pagkatapos ng magandang performance ni Andrea bilang Sisa, makakasama naman siya nila Kapuso Drama King Dennis Trillo at Kapuso actress Bea Alonzo sa reunion project nila na Love before Sunrise.
Wala pang ibang detalyeng binigay tungkol sa role na gagampanan ng aktres at ang masasabi lang niya na dapat abangan sa serye, “Medyo talagang marami kaming eksena na magkakabanggaan kami ni Bea, Dennis, and Sid.”
Bukod sa bagong serye, kamakailan lang ay nakuha ni Andrea ang Best Actress in a Supporting Role Award mula sa Platinum Stallion National Media Awards, isang organisasyong nagbibigay pugay sa “efforts of individuals and groups in educating the public through the media and allied arts” para sa role niya bilang Sisa.
Ayon kay Andrea, “over the moon” siya sa natanggap na award at inaming nagulat siya ng parangalan siya.
“Wala naman 'yun sa isip ko nung ginagawa ko 'yung Sisa. Parang I just really wanted to give justice to the role,” sabi niya.
Dagdag pa ng aktres, “Sabi ko, "Nako, ayoko lang talaga na hindi nila magustuhan 'yung Sisa na mapapanood nila.' Napakalaking bonus nito for me e, ang sarap ng pakiramdam.”
Sinabi rin ng aktres kung papaano niya pinaghandaan ang espesyal na role para magampanan ito na magiging tanggap ng mga manonood.
“Sobrang research, homework talaga. Bukod sa pagbasa-basa online, nagpa-workshop ako, hindi ako tumigil magpa-workshop. Ttalaga pong tinutukan ko siya and worth it naman,” aniya.
TIGNAN ANG IBA'T-IBANG CHARACTERS NA GINAMPANAN NI ANDREA TORRES: