
Sa ikatlong linggo ng Ang Lihim ni Annasandra, mas nakilala nina Annasandra (Andrea Torres) at William (Mikael Daez) ang isa't isa matapos makulong sa isang elevator.
Nakita naman ng huli ang tunay na anyo ni Annasandra bilang isang awok sa isang parking lot dahil inabutan ng dilim ang dalaga.
Labis na nagulat sina Belinda (Glydel Mercado) at Carlos (Emilio Garcia) nang makauwi ang kanilang anak na mag-isa habang awok ito. Sinabi ng dalaga na baka ito'y isang senyales na pagaling na siya mula sa sumpa nito.
Nang bumalik sa kanyang pinagtatrabahuhan, nag-alala si Annasandra nang makita na nag-iisa lamang sa opisina si William at mayroong mataas na lagnat ang huli. Dahil dito, binantayan at inalagaan muna ng dalaga ang kanyang boss.
Sa pag-uusap ng dalawa, labis na nasaktan si Annasandra matapos ikuwento sa kanya ni William kung gaano ito nandiri sa isang kakaibang baboy na nakita nito sa kanilang kompanya.
Inaya naman ni William si Annasandra na lumabas sa kanyang kaarawan ngunit hindi naman agad pumayag ang huli rito. Upang mas makilala pa niya ang dalaga, humingi ito ng tulong sa malapit na kaibigan ng huli na si Becca (Erika Padilla).
Kita sa mga mata ni William ang saya nito matapos sumipot ni Annasandra sa hinanda nitong birthday date para sa kanilang dalawa.
Hindi naman lubos na akalain ni Enrico (Pancho Magno) na hindi siya ang unang lalaking makaka-date ng babaeng matagal na nitong iniibig.
Patuloy na panoorin Ang Lihim ni Annasandra tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:15 p.m. sa GMA Afternoon Prime.