
Nakachikahan ng Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday stars na sina Barbie Forteza at Kate Valdez ang kanilang mga fans na nakilahok sa Viber Community Chat ng GMA Entertainment nitong nakaraang February 2. Dito ibinalita ng dalawa ang mga dapat abangan sa fresh episodes ng Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday simula ngayong February 8.
Kuwento ni Barbie, 'Maraming aminang magaganap!!! Sa lahat ng aspeto. Mapa-lovelife man 'yan o tungkol sa pagkatao namin!"
Ikinumpara ng dalawa ang pagkakaiba ng new normal lock-in taping sa dating nakasanayan nilang taping. Tatlong linggong naka-lock-in ang cast and crew ng Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday para sa mga fresh episodes nito matapos matigil pansamantala ang taping ng ilang buwan noong enhanced community quarantine (ECQ).
Kuwento ni Kate, "So far naging okay naman siya kasi kahit papaano nung ilang araw nakapagadjust and tuloy tuloy 'yung taping. Hindi ka masyado makakaramdam ng lungkot dahil malayo ka sa family mo. At least may teamwork. At madali namin natatapos 'yung mga eksena namin kasi tuloy tuloy kaming nag-te-taping."
Saad naman ni Barbie, "Nakaka-miss 'yung taping nung wala pang pandemic, 'yung malaya kang makipag chikahan, bonding sa mga co actors mo sa set, kumain ng magkakasama. Pero dahil naman sa lock-in taping, mas mabilis natatapos ang mga scenes."
Tila mas naging pabor din kay Barbie ang lock-in taping, "Parang bet ko 'yung new normal [taping]. Lahat mindful sa safety ng bawat isa. Lahat nirerespeto ang personal space."
Dagdag niya, "Siguro ang na-miss ko sa old normal 'yung pwede magpadeliver ng food sa set."
Ibinahagi rin ng dalawa ang mga plano nila para sa nalalapit na Valentine's Day. "Well so far walang plano dahil mahirap magsked ngayon ng date diba pero malay matin, ayokong magassume pero laging may pa-surprise si mahal eh," saad ni Barbie.
Si Kate naman, pamilya ang makaka-bonding sa nalalapit na Araw ng Pagibig. "Ako, wala, as usual, dito lang sa bahay, bonding lang with my fam. Watch a movie together."
Tampos sa Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday ang storya ng magkaibigang Ginalyn (Barbie Forteza) at Caitlyn (Kate Valdez) na sinubukan ang tadhana nang magkagusto sa iisang lalaki. Kung papipiliin kung ano ang mas matimbang para kina Barbie pagdating sa pagkakaibigan at pag-ibig, parehas ng pinili ang dalawa. "Kung ako ang nasa posisyon ni Ginalyn, ang pipiliin ko, friendship.
Paliwanag ni Kate, "But siyempre hindi siya madali, it's easy to say pero kung gagawin mo, it takes time. Pero ako mas binibigyan ko ng importansya ang friendship. Although mahal mo 'yung tao, pero for sure puwede mo naman gawan ng paraan na mawala 'yung feelings mo kasi 'yung friendship mas mahalaga talaga. Hindi lahat nakakakuha ng genuine friendship."
Sang-ayon naman si Barbie, "Friendship is more lasting."
Dahil sa kanilang naganap na lock-in taping naging mas close sina Barbie at Kate sa isa't isa. Isa sa mga naging bonding activities din ng dalawa ang pag-fu-foodtrip. "Totoo, kain dito, kain doon!" pahayag ni Kate.
"Parehas kaming mahilig kumain ni Kate, pero hindi naman siya tumataba, unfair po," biro ni Barbie.
Paliwanag naman ni Kate, "Hindi totoo, nag-da-diet na nga ako kasi nandito na sila sa braso ko, sa binti ko. Pero totoo, masarap talagang kumain."
Isa sa mga katangian na parehas nina Barbie at Kate, ay ang kanilang pagiging masiyahin. Ayon kay Kate, "Para sakin, parehas kaming jolly ni Ate Barbie. Pala-smile..."
"Parehas kaming bungisngis niyan," kuwento ni Barbie.
Abangan ang fresh episodes ng Anak Ni Waray Vs. Anak Ni Biday sa GMA-7 tuwing Lunes hanggang Biyernes alas-otso ng gabi.