
Natatawang binalikan ni Kapuso Primetime Princess at Pulang Araw actress Barbie Forteza ang makailang ulit na pagkabigo niya noon na makuha ang young roles ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera.
Ayon kay Barbie, bago pa man siya makilala ng marami bilang young Jodi (na ginampanan ni Rhian Ramos) sa Philippine adaptation ng hit Korean series na Stairway to Heaven ay ilang beses na siyang nag-audition para sa young roles ni Marian Rivera.
Ilan sa roles na ito ay young Marimar, young Dyesebel, at young Darna.
"Ang dami kong in-audition na young Marian--young Marimar hindi pwede kasi takot sa aso, young Dyesebel hindi marunong lumangoy, young Darna lampa so ekis lahat. Pero lagi akong nag-o-auditions as young Marian talaga," kuwento niya sa GMANetwork.com para sa Kapuso Profiles.
Dagdag pa ni Barbie, nadiskubre siya ng GMA Artist Center na ngayon ay Sparkle nang makuha niya ang young role ni Rhian Ramos sa Stairway to Heaven.
"Noong may isa na namang audition for a young role, young Rhian for Stairway [to Heaven] doon ako nag-work kasi iyak-iyak lang 'yon."
Ayon kay Barbie, noon pa man ay pangarap na talaga niyang maging isang aktres.
Sa ngayon, abala si Barbie para sa panibagong big role na gagampanan sa upcoming series na Pulang Araw, kung saan makikilala siya bilang Adelina.
Makakasama rin ni Barbie sa serye sina Alden Richards, Sanya Lopez, David Licauco, at Dennis Trillo. Unang mapapanood ang Pulang Araw sa Netflix sa July 26, tatlong araw bago ito ipalabas sa GMA Prime sa July 29.
BALIKAN ANG ICONIC TELESERYE CHARACTERS NI BARBIE FORTEZA SA GALLERY NA ITO: