
Trending ngayon sa social media ang sneak peek ng action scenes ni David Licauco sa upcoming GMA primetime series na Maging Sino Ka Man kung saan gagampanan niya ang papel ni senator Robin Padilla bilang Carding.
Marami ang humanga sa aktor dahil, bukod sa astig ang kanyang dating, si David mismo ang gumagawa ng kanyang stunts para sa bagong pagbibidahang teleserye nila ni Barbie Forteza.
Nang hingan namin ng rekasyon ang aktres tungkol sa performance ni David sa action scenes nito sa Maging Sino Ka Man, maging siya ay abot-abot ang papuri sa kanyang love team partner.
"Ibang klase, uwi na nga ako. Bigay ko na sa kanya," sabi ni Barbie sa panayam ng GMANetwork.com sa contract signing event ng bagong endorsement nila ni David noong Sabado, August 12.
Ayon kay Barbie, nakaka-proud si David dahil lumabas ito sa kanyang comfort zone para magampanan nang mabuti ang role na ibinigay sa kanya.
Dugtong niya, "In fairness, I'm so proud of him kasi I would say na mas kilala ko si David kahit papaano. Ang alam ko 'di naman talaga s'ya gano'n, so nakaka-proud lang na iba rin 'yung dedication n'ya, 'yung effort n'ya para mabigyan talaga ng justice 'yung series."
Kabilang din sa cast ng TV adaptation ng Maging Sino Ka Man sina Juancho Trivino, Faith Da Silva, Rain Matienzo, at si Cinemalaya 2023 best actor Mikoy Morales.
Mapapanood din dito ang mga batikang artista na sina ER Ejercito, Jeric Raval, at Jean Garcia.
Ang Maging Sino Ka Man ay mula sa direksyon ni Enzo Williams. Ipapalabas ito soon sa GMA Telebabad.