
Marami ang naaaliw sa mga eksena ni Baus Rufo sa GMA morning show na Unang Hirit, kung saan agad siyang nakakuha ng atensyon ng viewers dahil sa kanyang natural na charm at nakaka-good vibes na personality.
Related gallery: Meet Baus Rufo
Kinagiliwan ng viewers ang recent na nangyari kay Baus habang kumakain sila nang live kasama ang UH Barkada at ang celebrity guest na si LJ Moreno.
Sa isang video, ipinaliwanag ng host kung ano ang nangyari sa kanya habang masaya silang nagsasalo-salo.
Sabi niya, “Nagluto si Ms. LJ Moreno ng tinola, special tinola. Kitang-kita ang saya-saya namin, ready, excited kami, ganap na ganap. Pagkatikim namin ni Ms. Suzi ng sabaw, tuwang-tuwa kami sabi pa namin 'Oh my God, it's giving ang sarap.' Tapos akala ko okay na, puwede ko na enjoy-in, okay kakain na ako ng papaya. Kaso wala pong nagsabi sa akin na mainit 'yung papaya kaya po nangyari 'to.”
Ayon kay Baus, itatakas niya lang sana ang pagluwa sa papaya ngunit nahagip ito nang malinaw sa camera.
“Basically, ang nangyari po is nakain ko 'yung papaya, sobrang init, magko-commit ba ako, lulunukin ko, what if mabilaukan ako on live TV, or baka puwedeng iluwa ko na lang kasi hindi pa naman nakatapat 'yung camera. Then, saktong-sakto pagluwa ko, dahil mahal na mahal tayo ng universe, boom, kuhang-kuha,” paglalahad niya.
Pahabol ni Baus, tila araw-araw siyang sinusubukan ng universe bilang isa sa pinakabagong hosts ng morning show.
Ayon sa kanya, “Confirming po na araw-araw po tayong sinusubukan or baka patibong na naman po ito ng HR, so yes, Day 6, nakakaloka.”
Matatandaang unang nag-trend si Baus matapos niyang tawagin ang Unang Hirit viewers na “Mga Kapamilya” imbes na "Mga Kapuso."
Samantala, bukod sa Unang Hirit, patuloy ring naghahatid ng good vibes si Baus bilang celebri-peep sa bagong game show na The People Have Spoken, na napapanood tuwing Sabado.