
Mas magiging kaabang-abang ang mga susunod na tagpo sa hit GMA Afternoon Prime series na Makiling.
Kasabay ng revenge era ng karakter ni Elle Villanueva na si Amira, magpapakita na rin sa serye ang mabagsik na Black Maria Makiling na gagampanan ni Rabiya Mateo.
Matatandaan na inspirasyon ni Amira ang kuwento ni Maria Makiling para sa kaniyang paghihiganti sa mga taong umabuso at umapi sa kaniya, ito ay ang grupo ng Crazy 5 at ang Pamilya Terra.
Ang tinutukoy na Crazy 5 ay ang mga kontrabidang sina Portia (Myrtle Sarrosa), Seb (Kristoffer Martin), Ren (Royce Cabrera), Maxine (Claire Castro), at Oliver (Teejay Marquez).
Sa inilabas na teaser ng GMA Public Affairs para sa Makiling, makikita ang pasilip kay Black Maria Makiling at ang pagsuporta nito sa revenge plan ni Amira.
“Alalahanin mo kung bakit ka bumalik Amira at ibibigay ko sa'yo ang lahat ng pangangailangan mo para maisakatuparan ang ating mga napag-usapan,” sabi ni Black Maria kay Amira.
Samantala, maraming netizens naman ang bumilib kay Rabiya sa pagiging parte niya ng serye.
“Ang ganda ni Rabiya. Bagay na bagay sa kaniya 'tong role niyang ito. Ang gandang choice ng GMA na i-cast siya dito,” komento ng isang netizen.
Dagdag pa ng isang Kapuso viewer, “Andyan na si Maria Makiling! Napakaganda! Ang gaganda ng cast at ang ganda ng kuwento! Go Amira and Makiling!”
Subaybayan naman ang mas pinatinding twists sa Makiling, Lunes hanggang Biyernes, 4pm sa GMA Afternoon Prime.
TINGNAN ANG ILANG BEHIND-THE-SCENES PHOTOS NG MAKILING SA GALLERY NA ITO: