
Halos limang araw ang inabot para kunan ang ilang mga eksena para sa isa sa pinakamalalaking tagpo sa full action series na Black Rider.
Susugod na ang Golden Scorpion sa Brgy. Palangga para patayin si Elias Guerrero at lahat ng mahal nito sa buhay.
Magkakaroon ng ubusang lahi dahil pati ang mga inosenteng tao sa pamayanan ay madadamay rin.
Sa isang eksklusibong behind-the-scenes video, ibinahagi ng produksiyon ng Black Rider kung paano nila binuo ang panibagong Palangga massacre.
Sa Artex Compound sa Malabon kinunan ang mga eksena kaya malaking challenge din ang tubig na bumabalot sa lugar.
"Basta may body of water, mahirap. Mahirap mag-shoot, lalo nandirito kami sa Artex. Iba 'yung galaw, iba 'yung kilos mo. Nakakatakot kasi lahat noong bahay dito 'pag sinampa mo, gumagalaw," bahagi ng series director na si Rommel Penesa.
Para mapanatiling ligtas ang cast at crew ng serye, sa swimming pool kinunan ang ibang mga underwater scenes nito.
"Noong binabasa ko pa lang 'yung script na may body of water, 'yun 'yung nakita ko, feeling ko ang bigat. Ang hirap gawin noon. We made necessary adjustments with the given limitations," paliwanag ng co-director na si Richard Arellano.
Bukod sa pisikal na hirap ng mga eksena, lubos na emosyonal din ito para sa mga aktor.
"Kasi kung titignan mo noon parang ang saya-saya ng Palangga 'di ba? Parang walang problema, pero simula nang ginulo ng mga Golden Scorpion 'yung buhay ko, wala na. Nasira na nila 'yung Palangga," lahad ni primetime action hero Ruru Madrid na gumanap bilang Elias.
"Pagkatapos ang sinisisi ako, kami ni Elias. Eh kami rin naman muntik nang mamatay 'di ba? Kaya sobrang bigat," dagdag ni Rio Locsin na gumaganap bilang nanay ni Elias na si Alma.
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Kapit lang sa mas suwabe, mas maangas at mas kapanapanabik na bagong yugto ng full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 9:40 p.m.
Maaari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.