
Pinag-usapan sa social media ang Kapuso Action-Drama Prince na si Ruru Madrid at veteran actress na si Rio Locsin, matapos maging trending ang kanilang behind-the-scenes video sa action primetime series na Black Rider.
Sa naturang video, makikitang nadala si Rio ng emosyon matapos ang kanilang mabigat na eksena ng Sparkle actor sa nasabing programa. Sa panayam ng seasoned actress, inilahad niya kung bakit hindi siya nakabitaw sa kanyang karakter sa eksenang iyon.
“Nakakabigla nga dahil parang hindi ko inaasahan ang mga lumalabas na balita. Tama po kayo, hindi ako nakabitaw agad sa napakataas na emosyon na kinakailangang ibigay sa eksena kasi apat na tuloy tuloy na eksena na maraming namatay at isa-isa naming nakikita," aniya.
Dagdag pa niya, "Mataas na emosyon at mabigat."
Ayon kay Rio, hindi siya iniiwanan ni Ruru matapos ang kanilang mabibigat na mga eksena at inaalalayan siya nito hanggang siya ay kumalma.
Inilahad din ng aktres ang naging reaksyon ng cast at team ng Black Rider matapos ang nangyari sa mabigat na eksena.
“Ang lahat ay nag-aalala, since senior na ako, at ramdam ko ang pag-aalaga nila sa akin. Pagkatapos n'un, balik na ulit sa normal, chikahan na uli,” kwento niya.
Nilinaw din ni Rio na mayroong medics sa taping ng Black Rider upang masiguradong ligtas ang kalagayan ng lahat sa set.
Paliwanag niya, “May mga medic kami sa set, may ambulance din. Kaya hindi totoo na walang medic na tumutulong, nagkataon lang na hindi ko naman talaga kinailangan na magpa-medic nung oras na yon, but anytime, andyan lang sila.
“Hindi rin totoo na inatake ako ng hika, wala po akong hika.
“Sa abot nang aming makakaya, kung ano ang nararamdaman namin sa eksena, kami ni Ruru, parehong damdamin at puso ang ipinaaabot namin sa mga manonood, na nawa'y maipaabot namin 'yung emosyon na nararamdaman namin para sa mga eksena.”
Subaybayan ang Black Rider tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m., sa GMA Prime.