
Nagtungo ang nag-viral na Imburnal Girl na si Rosemarie Peligrino sa Pinoy Pawnstars, ang shop na pag-aari ng content creator at negosyanteng si Boss Toyo.
Dito ay ibinenta ni Rosemarie ang pag-aari niyang cutter blade na naging dahilan kung bakit siya sumuot sa isang imburnal matapos itong mahulog doon.
Sa vlog ni Boss Toyo, ipinasilip ang mga eksena sa loob ng kaniyang shop kung saan naganap ang transaction nila ng binansagan ng marami na Imburnal Girl.
Noong una, ibinebenta niya ang cutter blade kay Boss Toyo sa halagang PhP5,000 at kalaunan ay nagkasundo sila sa mas mataas na offer ng huli na PhP10,000.
Sa kanilang usapan, inamin ni Rosemarie na siya ay nagbibisyo at nang marinig ito ay pinayuhan siya ni Boss Toyo.
Bukod sa bayad sa cutter blade, niregaluhan ng huli si Rosemarie at ang kasama nito ng brand new na mga cellphone.
Ang naturang cutter blade ay ginagamit umano ni Rosemarie sa hanapbuhay nila na pangangalakal.
Samantala, bago ito, matatandaang nakatanggap ng PhP80,000 na financial assistance ang nag-viral na Imburnal Girl mula sa Pag-abot Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.