GMA Logo Geum Jan-di at Gu Jun-pyo
What's Hot

Boys Over Flowers: Jun-pyo forgets about Jan-di

By Dianara Alegre
Published April 17, 2021 5:36 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Driver dies after truck falls into ravine in Sarangani
Italian resto opens in Molito; promises 'refined but unpretentious' food
Duterte calls plunder, graft raps a 'fishing expedition'

Article Inside Page


Showbiz News

Geum Jan-di at Gu Jun-pyo


Dahil sa sinapit na aksidente ay nagkaroon ng partial memory loss si Jun-pyo at hindi niya maalala ang kahit ano tungkol kay Jan-di.

Hindi natuloy ang arranged marriage nina Gu Jun-pyo at Ha Jae-kyung dahil sa pag-atras ng huli nang mapagtanto niyang kahit anong pilit niya, hindi niya kayang palitan si Jan-di sa puso ng binata.

Matapos na makansela ang kasal, kaagad na nagtungo si Jun-pyo sa kinaroroonan ni Jan-di. Nagsaya sila dahil sa dinami-rami ng kanilang napagdaanan ay sa kanila pa rin kumakampi ang tadhana.

Pero hindi pa tapos si Kang Hee-soo, ina ni Jun-pyo, sa mga plano niyang paghiwalayin sina Jun-pyo at Jan-di. Pero dahil nangako siya sa anak niyang hindi na niya kakantiin si Jan-di kapalit ng pag-aasikaso nito sa kanilang negosyo, mga kaibigan at mga mahal naman sa buhay ng dalaga ang kanyang pinuntirya.

Kabilang na diyan ang pamilya ng best friend niyang si Cha Ga-eul at ang foundation ng pamilya ni Yoon Ji-hoo na pinamamahalaan ng lolo nito.

Dahil sa impluwensiya at kapangyarihan, madali lamang para kay Hee-soo na gipitin at ipitin sa sitwasyon ang mga ito na itinuturing niyang maliit lamang kumpara sa kung anong mayroon siya.

Nakarating kay Jan-di ang ginagawa nitong panggigipit sa kanila kaya matapang niyang hinarap si Hee-soo at nakipagkasundo rito. Nagbigay ng kondisyon si Jan-di na kapalit ng biglaang paglayo niya kay Jun-pyo, ay titigilan na niya ang panghihimasok sa buhay ng mga kaibigan niya.

Pumayag ang presidente ng Shinhwa Group sa alok ni Jan-di.

Dahil sa naturang desisyon, pumayag din itong bigyan ng isang araw ang dalaga para makasama si Jun-pyo sa huling pagkakataon.

Masayang ang naging date nina Jan-di at Jun-pyo, at kahit naguguluhan, hindi na lamang inisip ni Jun-pyo ang dahilan ng pagiging malaya nila at nagkasaya na lamang kapiling si Jan-di.

Gu Jun pyo at Geum Jan di

Source: GMA The Heart of Asia Facebook page

Ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay ito ang huling beses na makikita at makakausap niya ang babaeng pinakamamahal niya.

Bago matapos ang araw ay sinabi rin ni Jan-di kay Jun-pyo na aalis na siya at hindi na muling magpapakita pa. Gaya ng inaasahan, pinigilan niya si Jan-di ngunit hindi naman ito nagpapigil.

Biglaan ang pag-alis ni Jan-di sa Seoul at walang may alam kung nasaan o saan siya nagpunta sa kanyang mga kaibigan kaya ganoon na lamang ang pag-aalala ni F4 at ng iba pang mga kaibigan niya sa kanya.

Nagtungo si Jan-di sa probinsiya kung saan tahimik na naninirahan ang kanyang pamilya. Pangingisda at pagbebenta ng isda ang ikinabubuhay ng mga ito roon.

Geum Jan di kasama ang kanyang pamilya

Source: GMA The Heart of Asia Facebook page

Lumipas ang mga araw at linggo na hindi nagpaparamdam si Jan-di. Patuloy naman sa paghahanap ng lokasyon niya ang mga kaibigan, lalo na si Ji-hoo.

Hindi man tuwirang sinasabi, mahal na ni Ji-hoo si Jan-di at handa itong protektahan at alagaan siya sa lahat ng makakaya niya.

Isang araw, habang nanonood ng balita sa telebisyon ay nadiskubre ni Ji-hoo ang kinaroroonan ni Jan-di. Na-feature kasi ang fish market kung saan nagbebenta ng isda si Jan-di kasama ang nanay niya.

Agad itong ipinaalam ni Ji-hoo kay Jun-pyo dahil tulad niya, alam niyang alalang-alala na ito sa kanya at miss na miss na niya ito.

Yoon Ji hoo

Yoon Ji hoo

Source: GMA The Heart of Asia Facebook page

Hindi naman nag-atubili si Ji-hoo na puntahan si Jan-di at laking-gulat ng huli nang makita ang member ng F4 sa labas ng apartment na tinitirhan nila.

Masinsinang nag-usap ang dalawa at muling ipinaramdam ni Ji-hoo ang intensyon niya kay Jan-di nang ibigay niya rito ang singsing na pagmamay-ari ng lolo niya na ipinama sa kanya.

Hindi naman ito tinanggap ni Jan-di. Aniya, sa kabila ng hirap at sakit na sinapit niya dahil sa pagmamahal kay Jun-pyo, hindi pa rin naaalis sa isip at puso niya ang binata.

Nagtungo rin si Jun-pyo sa kinaroroonan ni Jan-di ngunit hindi niya ito tahasang nilapitan. Masakit ang naging paghihiwalay nila ni Jan-di pero kahit ganoon, nais pa rin niyang muli itong makita.

Geum Jan di Yoon Ji hoo at Gu Jun pyo

Geum Jan di Yoon Ji hoo at Gu Jun pyo

Source: GMA The Heart of Asia Facebook page

Samantala, sa hindi inaasahang pangyayari ay naaksidente si Jun-pyo na kagagawan ng lalaking may galit sa Shinhwa Group.

Malala ang kondisyon ni Jun-pyo dahil sa lakas ng pagkakabangga sa kanya. Dahil sa kilalang personalidad ang binata, naging laman ito ng balita.

Lumipas ang mga araw na walang malay si Jun-pyo at patuloy nagpapagaling sa ospital. Bumalik na rin si Jan-di sa Seoul para kahit papaano ay makibalita sa lagay ni Jun-pyo.

Hindi naman nagtagal ay nagkamalay na rin si Jun-pyo, tulad ng dati, arogante at matigas pa rin ang ulo nito. 'Tila bumabalik na nga ang lakas nito.

Pero ang problema, nagkaroon ng partial memory loss si Jun-pyo at hindi niya maalala ang kahit ano tungkol kay Jan-di.

Saan hahantong ang muli nilang pagkikita?

Geum Jan di at Gu Jun pyo

Geum Jan di at Gu Jun pyo

Source: GMA The Heart of Asia Facebook page

Patuloy na subaybayan ang Boys Over Flowers mula Lunes hanggang Biyernes, 10:55 ng gabi, sa GTV!

Kilalanin ang cast ng Boys Over Flowers sa gallery na ito: