
Marami ang napabilib sa husay ng pagganap ng aktor na si Baron Geisler sa bagong Netflix film na Doll House. Sa katunayan, hindi lamang netizens kung 'di pati ang ilang mga celebrities ay humanga rin at nagbigay ng papuri kay Baron.
Ang nasabing pelikula ay kuwento ng isang band vocalist na si Rustin (Baron Geisler) na nalulong sa bisyo at piniling bumalik sa bansa kung saan naroon ang kanyang anak na si Yumi (Althea Ruedas) upang makabawi dito matapos niyang iwanan habang nasa sinapupunan pa lamang ito ng kanyang ina.
Dahil sa mahusay na storytelling at performance ng cast, mabilis na nag-trend ang nasabing pelikula at umani ng maraming papuri lalo na para kay Baron.
Ilan sa mga napabilib ni Baron ay ang Kapuso actor na si Paolo Contis, celebrity mom na si Candy Pangilinan, at batikang aktor na si Aga Muhlach.
Sa social media, agad na naglabas ng kanilang reaksyon ang nasabing celebrities matapos mapanood ang naturang pelikula.
"After watching #DollHouse sa @netflix @netflixph," caption ni Paolo sa kanyang Instagram story, kung saan makikita ang larawan niya na namumugto ang mata at nakasuot ng punit-punit na t-shirt.
"Congrats brothah @barongeisler #IyakReveal," saad pa ni Paolo.
Sa isang Instagram post naman, ibinahagi din ni Candy ang kanyang saloobin sa pelikula kalakip ang larawan habang siya ay umiiyak.
"Congratulations Doll House. Mahusay ka @baron.geisler at sakto ka tita beauty @phipalmos pati ang bagets. Congrats sa manunulat @onaysales. Now on Netflix. #mabuhayangpelikulangpilipino #maylabantayo," ani Candy.
Idinaan din ni Aga sa isang social media post ang kanyang pagbati kay Baron at sa lahat ng bumuo ng pelikula.
"DOLL HOUSE!!! You guys nailed it! @baron.geisler taas kamay! pinahanga mo ako! Dami ko iyak dito! Galing mo sobra! Sa inyong lahat na bumuo nito.. Mabuhay kayo! Di ako mauubusan ng sasabihin.. [heart emojis] @mavxproductions and that little girl! @althearuedas Amazing! You made me cry as well! You were so good all throughout the movie!
"Congratulations sa inyong lahat! [clapping hands emoji] Dami ko iniyak dito! Hayuuuf! Haha o siya! Bye! Oh, wait! Director @marlaancheta take a bow! bravo!" sulat ni Aga sa kanyang post.
Agad namang nag-reply si Baron sa post na ito ni Aga dahil hindi makapaniwalang nakatanggap ng papuri mula sa hinahangaang aktor.
"Wow boss @agamuhlach317 coming from you, one of the people I look up to saying this, thanks for appreciating our film. To be honest.. if you look closely mejo kumuha ako ng mga acting nyo mga mata and nuances. And it worked fm dahil ku mute ako ng konti Hihihihihi... Apir!! Again salamat sir and God bless Idol!!!! Praying makatrabaho kayo," ani Baron.
Sumagot naman si Aga sa mensahe ni Baron at nagbigay pa ng ibang dahilan kung bakit siya napabilib sa huli.
Aniya, "@baron.geisler I was in awe watching you perform! Di ka bumitaw. Every scene you gave us something real. Alam na natin what we do when we work but watching you perform in this particular film.. pare kaka inspire ka! Thank you for your talent. Keep up the good work. You're a good man. All the best! Yes, let's work soon! Again, congratulations! Slow clap boom!"
Sa ngayon ay kabilang pa rin sa top trending films sa Netflix Philippines at sa US ang naturang pelikula.
SILIPIN NAMAN ANG BAGONG BUHAY NI BARON GEISLER BILANG ASAWA AT AMA SA GALLERY NA ITO: