
Isa si Billy Crawford sa original hosts ng Kapamilya noontime show na It's Showtime, kasama sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, at Karylle.
Matatandaan na kasabay ng simula ng pandemya ay hindi na napanood sa nasabing programa si Billy at nag-focus ito sa kaniyang solo projects.
Simula naman bukas, July 1, mapapanood na ang It's Showtime sa free channel ng GMA na GTV.
Kaugnay nito, sa June 30 episode ng Fast Talk with Boy Abunda, hiningan ni Boy Abunda ng opinyon si Billy tungkol sa pagdating ng dati niyang kinabibilangang programa sa GMA.
Agad naman itong sinagot ni Billy. Aniya, “My honest opinion and feelings towards this, I'm so happy.”
Inalala naman ng international performer na si Billy ang naging ambag ng nasabing programa sa kaniyang buhay lalo na sa kaniyang pamilya.
Kuwento ni Billy, “I started with It's Showtime in noontime. I met my wife, I started my family through this show.”
Ayon pa kay Billy, masaya siya sa big move na ito ng programa sa Kapuso network, gaya ng naging pagtanggap muli sa kaniya ng GMA.
“I'm so happy na kahit papaano, there's nothing left behind, there's still a home for them and it's the same thing na GMA did for me, they welcomed me back. So, it's a new beginning, and I'm very excited for Philippine TV,” ani Billy.
Samantala, matapos ang pagiging host ng The Wall Philippines noong nakaraang taon, muli namang mapapanood si Billy sa GMA bilang isa sa coaches ng first-ever The Voice Generations sa Asia.
Makakasama rito ni Billy ang kapwa superstar coaches na sina Chito Miranda, Julie Anne San Jose, Stell Ajero, at si Dingdong Dantes bilang host ng programa.
SILIPIN ANG MASAYANG PAMILYA NI BILLY CRAWFORD AT COLEEN GARCIA SA GALLERY NA ITO: