
Kahit na na nagkatrabaho at nagkasama na sila nang matagal sa ilang proyekto, hangang hanga pa rin si David Licauco kay Barbie Forteza pagdating sa pag-arte.
"Yes I would have to say Barbie Forteza," mabilis na sagot ni David nang tanungin siya ng GMANetwork.com kung kanino sa kanyang Pulang Araw co-actors siya nagugulat sa galing sa pag-arte.
"Matagal-tagal ko na rin siyang nakatrabaho, ang dami niyang different emotions sa acting, na minsan, napapa-'Uy, bago 'yan a.'
"Sa Pulang Araw iba kasi 'yung character niya. So nakikita ko 'yon sa lahat ng ginagawa namin and that says a lot about her passion for acting talaga."
Sa naturang upcoming Kapuso action drama, gaganap si Barbie bilang Adelina, isang bodabil star. Samantala, ang karakter ni Hiroshi, isang sundalong Hapon, ang gagampanan ni David.
RELATED CONTENT: Barbie Forteza and David Licauco's year of kilig moments
Nakapanayam ng GMANetwork.com ang Pambansang Ginoo bago magsimula ang kanyang fan meet sa SM Dasmariñas sa Cavite nitong March 9. Ang naturang event ay launch ng Oppo Reno 11 F 5G, ang smartphone brand na ineendorso ni David.
Game na game naman si David Licauco na makisaya sa kanyang fans na nag-volunteer na sumali sa games. Bukod sa hiyawan, walang humpay rin ang pag-se-selfie ng fans gamit ang kani-kanilang smartphones.
Aminado si David na natutuwa siya sa mga ganitong events dahil nagkakaroon siya ng pagkakataon na makita't makasalamuha ang kanyang mga tagahanga.
"This is my third event for them [Oppo]. Exciting every time. The first one was at the Manila Hotel. That's the time I was launched as their ambassador. The second one was in SM Baguio."
Sa ganitong events daw nasusuklian ni David ang lahat ng suporta na kanyang natatanggap mula sa kanyang fans. Pero aminado rin ang gwapong binata na sa hanggang ngayon, nakakaramdam pa rin siya ng konting hiya.
"Uhm actually nahihiya ako, more than anything. Nahihiya rin ako kasi naiisip ko na andito sila para sa akin. Pero mas naiisip ko na, nakakahiya sa kanila kasi they spend their time with me, na alam naman natin na maraming ginagawa ang mga tao sa kani-kanilang mga buhay, pero they'd rather spend their time with me. That's a huge honor for me, kaya nakakatuwa and nakakahiya."
Hindi magkamay ang fans nang bumaba si David ng stage habang kumakanta. Kilig na kilig naman ang isang fan nang 'haranahin' siya ng aktor.
Looking forward din si David Licauco na mas makasama pa sina Alden Richards at Sanya Lopez, na parehas na first time niyang makatrabaho sa Pulang Araw. Kumusta naman kaya ang naging experience ni David so far?
"It's been fun. I think for this teleserye I'm learning a lot. Also, it's my first time to be working with Alden [Richards] and Sanya Lopez. Tapos andyan pa si Barbie [Forteza], Epy Quizon ang dami pa namin.
"Nakakatuwa, kasi just being around them, feeling ko kailangan ko na mas mailabas yung husay ko, kung meron mang husay. Ayon, mas ginagalingan ko pa para makasabay sa kanila."
Bagamat nararamdaman niya na kailangan niyang mag-level up para makasabay sa kanyang mas experienced na co-actors, hindi naman pine-pressure ni David ang kanyang sarili.
"I think at the end of the day, it's still a collaborative team effort. It's not just me but it's takes the whole team to put up a good show. It's also the writers, the directors, and everyone else.
"I don't really feel the pressure naman. But of course, I have my own pressure for myself, that I want to good in this teleserye. I'm just enjoying it."
Sa isang parte ng programa, nakipag-kwentuhan si David Licauco kina event host at Sparkle talent na si Rain Matienzot at Oppo Public Relations Supervisor na si Mark Ordoñez. Naikuwento ng Pambansang Ginoo ang mga ginawa't binisita sa kanyang recent trip to Australia, kung saan napanood niya live in concert ang sikat na American singer na si Taylor Swift.
Bago pa man naging busy si David sa taping para sa Pulang Araw, nagkaroon siya ng chance na makapag-relax at makapag-unwind sa Australia. Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na nagpunta si David sa Land Down Under upang mapanood ang Eras Tour ng sikat na American singer na si Taylor Swift.
"Masaya, kumanta-kanta nang konti," natatawang sagot ni David. "Nakakatuwa na makita yung mga tao na gano'n nila kamahal si Taylor Swift and si Taylor Swift rin kasi yung singer na kinalakhan ko. Sobrang saya for me, to watch her live. Napakagaling niya, and napakabait niya when it comes to her songs, ang dami niyang kinanta. Actually nagtataka nga ako kung paano niya nagagawa 'yun. Sobrang dami ng kanta, like three hours 'yung concert, like, 'Whoa, paano mo nagawa 'yun?' Ako nga konti lang, nakakapagod na. Nakakapagod mag-perform."
Minsan na rin siyang nabiro raw ng kanyang love team partner na si Barbie Forteza na isang true-blue Swiftie. Maalala na pinili na lang ni Barbie na manatili sa bansa kaysa lumipad sa Australia or Singapore para mapanood ang kanyang idol dahil na rin may pinapagawa pa raw itong bahay.
Kuwento naman ni David, "Parang niloloko lang niya ako, 'Di ka naman fan e. Ako 'yung fan, e' ganyan-ganyan. Hopefully makapanood din siya kasi alam ko naman kung gaano siya ka-fan talaga ni Taylor Swift. Actually binigyan nga siya ni Rain [Matienzo] ng merch, iyak siya e. What more pa kaya kung mapanood niya ang idol niya."
RELATED CONTENT: Narito pa ang ilang Pinoy celebrities na certified Swiftie na nanood ng concert ni Taylor Swift sa Australia