
Masaya si Kapuso Drama King Dennis Trillo sa magandang takbo ng karera isa sa ng kaniyang co-stars sa Pulang Araw na si David Licauco.
Sa isang panayam, hiningan ng reaksyon ng GMANetwork.com si Dennis tungkol sa maraming papuring natatanggap ngayon ni David dahil sa kaniyang mahusay na pagganap sa nasabing GMA family drama.
Pahayag ni Dennis, “Yes, isa ako doon sa nakakapansin niyan at sinasabi ko sa kaniya 'yun dahil nakita ko naman 'yung effort na ginagawa niya.”
Ayon pa sa award-winning actor na si Dennis, nakita niya ang growth ni David bilang isang artista simula nang magkatrabaho sila sa Mulawin vs. Ravena, Maria Clara at Ibarra, at ngayon ay sa Pulang Araw.
Aniya, “Nakatrabaho ko siya before pa sa Maria Clara at Ibarra ay sa Mulawin versus Ravena pa pero talagang kakaumpisa pa lang niya no'n. Nakita ko 'yung kung paano siya nag-grow, bilang artista, kung paano niya ginusto na magbago at pagbutihin 'yung mga ginagawa niya.”
Mensahe pa ni Dennis para kay David, “Ako mismo nagsabi sa kaniya na napapansin ko 'yun at alam ko hindi lang ako. Kaya sana ipagpatuloy niya lang 'yung magandang ginagawa niya dahil napakaganda niyan para sa career niya and para sa sarili niya.”
Matatandaan na pumatok noon sa masa ang naging chemistry nina Dennis at David bilang magkaibigang sina Crisostomo Ibarra at Fidel sa Kapuso series na Maria Clara at Ibarra.
Ngayon, gumaganap naman sina Dennis at David bilang mga Hapones na sina Col. Yuta Saitoh, at Hiroshi Tanaka sa sa Pulang Araw.
Sa latest episodes ng Pulang Araw, napanood na ang unti-unting pagpapahirap ng mga mananakop na mga Hapones sa mga Pilipino. Ito ay matapos mabigo ang Amerika na depensahan pa ang bansa sa Japanese forces.
Ang mga tagpong ito ang nagbibigay pagsubok sa buhay ng mga karakter na sina Eduardo (Alden Richards), Adelina (Barbie Forteza), Teresita (Sanya Lopez), at Hiroshi (David Licauco).
Dito na rin makikita ang pang-aabuso sa sa kapangyarihan ng hukbo ng Japanese Imperial Army na pinamumunuan ni Col. Yuta Saitoh (Dennis Trillo).
Patuloy na subaybayan ang Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.
RELATED GALLERY: David Licauco talks about love, fame, being 'Pambansang Ginoo'