
Malapit nang makilala ang bagong karakter ni Kapuso Drama King Dennis Trillo sa hit historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra.
Dahil malapit nang magtapos ang yugto sa serye na hango sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal, malapit na rin tayong mamaalam sa kanyang karakter na si Crisostomo Ibarra.
Magbabalik naman si Dennis bilang ang misteryosong alahero na si Simoun sa pagpapatuloy ng serye sa pangalawang nobela ni Rizal na El Filibusterismo.
Challenging daw kay Dennis bilang isang aktor ang pagbabago ng kanyang karakter lalo na at maikli lang ang panahon sa pagitan ng transition na ito.
"'Yung pinaka challenge doon ay 'yung pag-transform to a whole different character talaga. It's a totally different character 'pag naging Simoun na siya after 13 years kasi marami na siyang pinagdaanan. Isa siyang tao na kumbaga, may lamat na dahil doon sa mga pinagdaanan niya. Nadala na siya doon sa mga lumang sistema na kinalakihan niya at bumalik siya para baguhin 'yun finally dahil sa tingin niya ito na 'yung tamang panahon para doon sa rebolusyon at doon sa pagbabagong hinihingi," pahayag ng aktor.
Proud naman si Dennis na nanatiling akma sa nobela ang naging physical transformation niya bilang Simoun.
"Itong role na Simoun medyo villanous type na siya, parang kontrabida type na 'yung itsura niya dito. Makikita niyo pa lang sa itsura niya, nagbago talaga siya ng anyo--isang drastic na change. Sa libro talaga, kung mababasa niyo, puti 'yung buhok niya at siguro dito niyo lang makikita na talagang naging faithful sa libro 'yung pagsasadula dito sa telebisyon. Bihirang makita 'yung look na ganoon ni Simoun na talagang sinunod nila 'yung puti 'yung buhok," paliwanag ni Dennis.
Sa El Filibusterismo, inilarawan si Simoun bilang lalaking may mahabang buhok na kulay puti at may manipis na balbas na kilay itim. Madalas din siyang nakasuot ng malaking salamin na kulay asul at mga damit na hango sa estilo mula Europa.
Nagbigay naman si Dennis ng pasilip sa kanyang transformation bilang Simoun sa kanyang Instagram stories.
Bukod sa transformation ni Dennis, marami pang bagong karakter ang papasok sa kuwento.
Mas magiging intense at action-packed din daw ang serye.
"Marami silang aabangan na mga characters na papasok. Exciting 'yung kuwento, mas magiging intense lalo 'yung mga kaganapan dito kaya abangan niyo po 'yun, malapit na," bahagi ni Dennis.
Patuloy na tutukan ang Maria Clara at Ibarra, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
Maari ring mapanood ng buo at libre ang episodes ng Maria Clara at Ibarra sa GMANetwork.com/FullEpisodes.
Mapapanood naman ang livestream nito sa GMANetwork.com/KapusoStream at sa GMA Network app.
NARITO RIN ANG ISANG EXCLUSIVE SNEAK PEEK SA BAGONG YUGTO NG MARIA CLARA AT IBARRA: