
Bumisita sa University of the Philippines Diliman ang ilang bida ng GMA Prime wartime family drama series na Pulang Araw.
Bilang bahagi ng campus tour ng programa, sinagot nina Dennis Trillo, Sanya Lopez, at David Licauco ang ilang mga katanungan ng mga mag-aaral mula sa College of Mass Communications.
"Interesado talaga sila na marinig 'yung mga kuwento namin tungkol sa taping, tungkol sa character. Masaya kami na i-share sa kanilang lahat 'yun. Sana marami silang natutunan kanina," pahayag ni Dennis.
Paraan daw para makakuha ng iba pang magagandang ideya at bagong pananaw ang ginagawang campus tour na ito.
"Very important ito para sa amin na makausap rin sila. Baka may mga ideas din sila," lahad ni Sanya.
Masaya naman si David na makapagbahagi ng kanyang mga kaalaman sa mga estudyante.
"Noong nasa college din ako, may nakikita rin kami na mga artista na pumupunta, nagis-speech so now na kami na 'yun, nakakatuwa," bahagi ng aktor.
Excited naman ang cast na maibahagi sa mga manonood ang mga susunod pang eksena ng kanilang serye.
"Unti-unti, nalalaman nila 'yung mga sekreto ni Yuta. For sure, marami pa silang madi-discover sa susunod na episodes," sabi ni Dennis tungkol sa kanyang karakter.
"May mga pinaplano si Teresita. Aalamin natin kung magiging successful ba siya doon sa pina-plano niya," dagdag naman ni Sanya.
Nakatanggap naman ng papuri si David dahil sa husay niya sa kanyang Japanese lines.
"Mahirap pero with the help of our Japanese coach naman na si Ryo [Nagatsuka], napapdali lahat ng bagay. I think it also comes with the familiarity na rin of the tonality noong Japanese [language]. I think nasasanay na kami ni Dennis," kuwento ni David.
Proud din si Dennis sa naging working relationship ng buong cast.
"Ang ginagawa namin, mag-focus sa kanya-kanyang mga trabaho dahil kapagka focused ka, hindi mo madi-distract 'yung co-actors mo. Dahil 'pag nalaman niya, naramdaman niya na alam mo 'yung ginagawa mo, mas magiging confident siya doon sa eksena niyo," aniya.
Patuloy na panoorin ang lalong lumalalim ng kuwento ng Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
Maaari rin itong panoorin online sa Kapuso Stream.
Panoorin din ang same-day replay sa GTV, 9:40 p.m.
Panoorin ang buong ulat ni Lhar Santiago para sa 24 Oras sa video sa itaas.