
Sa pagdiriwang ng nalalapit na Father's Day, isa si Dingdong Dantes sa mga inspirasyon pagdating sa pagiging ama.
Sa report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras noong Biyernes, June 5, ibinahagi na tampok ang The Master Cutter star sa Father's Day issue sa isang lifestyle magazine.
Para kay Dingdong, mas proud siya bilang ama ng kanyang mga anak na sina Zia at Sixto.
"Paggising ko, ang goal ko maging mas maging mabuting ama, mas maging mabuting aktor, mas maging mabuting asawa," bahagi niya.
Dagdag pa niya, "Pero if that's how people see me, then I am grateful. Pero, it's not a conscious effort kumbaga. Parang ginagawa ko lang 'yung ano talagang tingin kong okay gawin."
Ibinahagi rin ni Dingdong na malaki ang papel ng kanyang pamilya sa pagpapanatili ng kanyang kalusugan at well-being.
"Malaking factor ang role ng aking misis sa pag-aalaga. Totoo 'yun," aniya.
Ikinuwento rin niya na maging ang kanyang mga anak ay nag-aalaga sa kanya, lalo na kapag umuuwi siyang puyat mula sa taping. Palagi raw siyang pinapaalalahanan ng mga ito na kumain at matulog, at madalas din siyang kinukumusta.
Naging ama si Dingdong nang ipanganak ang kanilang panganay na si Zia noong November 13, 2015. Samantala, isinilang naman si Sixto noong April 16, 2019.
Mapapanood si Dingdong sa The Master Cutter tuwing Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.
Panoorin ang buong balita dito:
RELATED GALLERY: The growing, beautiful family of Dingdong Dantes and Marian Rivera