
Isang panibagong obra na naman ang pagbibidahan ng Kapuso actor na si EA Guzman.
Mapapanood si EA sa pelikulang Karnabal kung saan gagampanan niya ang karakter ni Caloy, isang problemadong lalaki na magtatangkang tumalon mula sa taas ng isang billboard.
Sa media conference ng naturang pelikula na ginanap noong Huwebes, August 10, sa Quezon City, binanggit ni EA na mayroon siyang 'fear of heights.'
Aniya, "Hindi ko alam kung paano ko haharapin 'yung takot ko kasi may fear of heights ako. Malululain ako, takot ako sa matataas kahit sa mall, kahit sa Ferris Wheel. It's about time na gumawa ako ng kakaiba. Buong tapang kong sinabi kay direk na I'm going to face my fear."
Ang nasabing pelikula ay pangungunahan ni Direk Adolf Alix, Jr. Makakasama rin ni EA sa Karnabal ang mga batikang artista gaya nina Jaclyn Jose, Ricky Davao, Joel Saracho, at ang kanyang real-life partner at Kapuso actress na si Shaira Diaz.
Samantala, kabilang din si EA sa cast ng inaabangang legal drama series na Lilet Matias: Attorney-at-Law.