
Na-inspire si Emil Reoma na muling buuhin ang bandang Saranggola Society matapos na makapanood ng concert ng Ben&Ben.
Sa interview ng GMA Playlist, ikinuwento ni Emil na dapat ay matagal na ang Saranggola Society kung hindi lamang ito na-postpone mula pa noong 2018.
"Long-time coming na dapat 'yung band, way back even ng 2018. Pero since maraming mga nangyari sa buhay, minsan kailangan ma-postpone muna 'yung mga pangarap ninyo o 'yung mga dapat gawin. Matagal na-postpone 'yung band, ilang years din," sabi ni Emil.
"And then, nanood ako ng isang Ben&Ben concert. Na-inspire ako. Sabi ko 'Nakaka-miss tumugtog ulit as a band.' Then the day after, tinawagan ko na silang lahat. Bumuo na kami. That was last year. So mag-one year na 'yung banda namin this August," dagdag niya.
Nag-debut ang Saranggola Society noong August 2025 nang i-release ang kanilang unang EP na 1st.
Mula Quezon City, ang retro-alternative OPM rock band ay binubuo nina Emil Reoma (vocals/rhythm guitar), James Willy Canoso (drums), Danielz Mercado (bass), at Rhyss Torres (lead guitar).
Sa interview, ibinahagi rin ni Emil ang meaning sa likod ng pangalan ng kanilang banda.
"Saranggola Society kasi saranggola 'yung metaphor namin for dreamers. So grupo kami ng mga dreamers. As a dreamer, gusto mong magpalipad ng napakataas, gustong mong lumipad kung hanggang saan kaya ng pangarap mo. Pero sa lahat ng dreams natin kahit na mataas 'yung pangarap mo dapat grounded ka pa rin sa reality. 'Yun 'yung metaphor namin for being a dreamer, and together as a society, Saranggola Society," paliwanag ni Emil.