Para maprotektahan at hindi masyadong mabulabog ang pambihirang puting unggoy, pansamantalang isinara ng lokal na pamahalaan ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat ang lugar sa kabundukan na madalas itong makita. Ang unggoy, pinaniniwalaan din na may ibang kondisyon at hindi basta may albinism kaya maputi.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, inihayag ng Department of Environment and Natural Resources–SOCCSKSARGEN (DENR-12), off-limits muna sa hindi awtorisadong tao ang lugar na pinupuntahan ng puting unggoy alinsunod sa utos ng alkalde ng bayan.
Dagdag pa ng DENR-12, nakatakda ring magpasa ng ordinansa ang mga opisyal ng barangay upang mapangalagaan ang puting unggoy, ang tirahan nito, at sa nakapaligid na kagubatan.
Habang hinihintay ang pagpapatibay ng ordinansa, ipinagbabawal ang hindi awtorisadong pagpasok ng mga tao sa lugar kung saan nakikita ang unggoy na pinaniniwalaan na isang Philippine long-tailed macaque.
Ayon pa sa DENR-12, may pambihirang kondisyon sa pigmentation ang unggoy na 2016 pa raw namataan sa lugar. Natuklasan din ng DENR XII Composite Monitoring Team, na kulay brown to dark brown ang mga mata ng unggoy.
Nagpapahiwatig umano ito na maaaring mayroong "leucism" ang unggoy, o ibang kondisyon sa pigmentation, at hindi ang unang inakalang albinism.
“The Department emphasized that scientific verification by wildlife experts is still necessary before a definitive conclusion can be made,” ayon sa DENR-12.
Nangangamba ang DENR-12 na dahil sa lumalaking atensyon ng publiko sa kakaibang unggoy, maaaring magdulot ito ng panganib sa hayop. Kabilang dito ang mabulabog ang unggoy, iligal na pangangaso, poaching, at wildlife trafficking.
Upang maprotektahan ang unggoy at ang tirahan nito, agad na nakipag-ugnayan ang ahensya sa pamahalaang bayan, mga kaugnay na stakeholder, at mga content creator upang maipatupad ang mga hakbang sa pangangalaga.
“During the validation, team confirmed that the macaque's habitat remains suitable, with secondary forest vegetation and natural food sources supporting the resident population,” saad ng DENR-12 na nag-post din ng mga larawan at video ng unggoy sa kanilang Facebook page.
Nakatakda ring magsagawa ang lokal na pamahalaan ng mga aktibidad sa pagtatanim ng mga puno at pagpapanumbalik ng tirahan ng mga hayop upang higit pang mapalakas ang konserbasyon ng biodiversity at maisulong ang responsableng ecotourism.
Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na ang lahat ng wildlife ay protektado sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act (Republic Act No. 9147). Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal ang pangangaso, paghuli, pangongolekta, pagmamay-ari, pagdadala, pangangalakal, o pamamahagi ng mga ligaw na hayop nang walang kinakailangang permit.
Hinimok din ng DENR-12 ang mga vlogger, photographer, mamamahayag, mga gumagamit ng social media, at mga lokal na komunidad na huwag isapubliko ang eksaktong lokasyon ng mga namataang wildlife o mag-post ng mga geotagged na larawan o video na maaaring maglagay sa panganib sa mga protektadong species.
“The Department called on LGUs, Indigenous Peoples, local communities, environmental advocates, and the public to remain vigilant and support ongoing wildlife conservation efforts,” ayon sa DENR-12. – FRJ GMA News

