
Inamin ng Kapuso sexy actress na si Faith Da Silva na gumawa siya noon ng kanyang imaginary father dahil sa pangungulila sa kanyang ama na si Dennis Da Silva.
Taong 2002 nang makulong si Dennis Da Silva. Dahil dito, bata pa lamang si Faith ay hindi niya na nakasama ang amang si Dennis at tanging ang kanyang ina at nakababatang kapatid lamang ang kinagisnan niyang pamilya.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, ikinuwento ng aktres kung paano siya nangulila noon sa pagmamahal ng isang ama.
Aniya, “I remember before bata pa lang ako, meron akong imaginary father na kapag pinapagalitan ako ng mama ko o meron akong kaaway ganyan, kinakausap ko 'yung imaginary father ko. Alam ko na yung time na 'yun hindi siya [totoo]. [Sinasabi ko] sana nandito siya.”
“Nagpapakampi ka?” tanong ni Boy Abunda kat Faith.
“Yes, Kasi nga palaging sinasabi sa akin ni mama growing up na sobrang mahal ako ng father ko tapos daddy's girl ako,” ani Faith.
Kuwento pa ng aktres, “Hindi ko naman sinasabi na favorite ng mother ko ang brother ko, pero may dynamics kasi sa family na 'yung mother and son may kakaiba talaga silang bonding 'di ba? So, ako, iniisip ko talaga na kailan darating 'yung I would have a moment with my dad.”
Ayon kay Faith, “'Yung pagmamahal ko sa kanya [Dennis Da Silva] it felt like I was really seeking for it. Parang feeling ko hindi siya normal tapos hindi ko rin siya sine-share sa ibang tao. So, lahat siya nandidito lang sa loob so kung baga di ko siya ma-process nung time na 'yun pero si God ang naging father ko talaga.”
Matatandaan naman na nito lamang December 2023, matapos ang halos dalawang dekada, muling nakita ni Faith at ng kanyang kapatid na si Silas ang kanilang ama na si Dennis nang payagan silang mabisita ito sa kulungan.
Kuwento ni Faith tungkol sa pagkikita nila ng amang si Dennis, “When I was talking to him face to face talaga, I see a lot of myself in him. It was very weird kasi that was the first time we've met pero para maramdaman ko 'yun parang, 'Okey. Totoo nga to, ito nga talaga 'yung dapat mangyari na mapatawad kita at magmahalan tayo at mag-build tayo ng relationship together.'”
Emosyonal namang binalikan ni Faith kung ano ang huling sinabi ni Dennis sa kanila bago sila umalis.
“Mag-ingat kayo mga anak. Mahal na mahal kayo ni Papa,” mensahe raw ni Dennis sa kanila noon.
Pero naniniwala si Faith na makakamit din ng kanyang ama ang karapat-dapat na hustisya.
Samantala, bukod sa pagiging host ng TiktoClock, naghahanda na rin ngayon si Faith para sa Encantadia Chronicles: Sang'gre kung saan gaganap siya bilang si Flamara - ang bagong tagapangalaga ng brilyante ng apoy.