
Kinumpirma ni Joey Marquez na nag-propose na kay Winwyn Marquez ang partner nito, na ama ng anak na si Luna Teresita Rayn.
Sa naganap na mediacon kahapon, May 23, para sa bagong Kapuso serye na Bolera, hindi itinanggi ni Joey na engaged na ang anak na si Winwyn sa childhood sweetheart nito.
"Oo naman, nag-propose na. Nagpaalam sa akin. Expected ko naman 'yun dahil childhood sweetheart niya. Magmula noong grade four nagkalapit na iyong dalawa," sagot ni Joey sa tanong ng press.
Ayon kay Joey, matagal nang nagkakilala sina Winwyn at ang partner nito.
"Matagal na. Medyo natigil lang kasi nagkalayo sila ng propesyon. Artista 'yung isa, pribado 'yung isa hanggang sa nagkita ulit," dagdag ng aktor.
Ibinahagi rin ni Joey na baka ngayong taon na magpakasal ang anak.
Payo naman ng aktor para kina Winwyn at sa partner nito, "ang desisyon na sa inyong dalawa parati. Ang puwede kong ipayo sa inyo ang pagiging ama sa mga anak. Sa akin lang ang lahat ng gagawin n'yo kailangan pag-usapan n'yo at dapat pantay kayo ng desisyon."
Samantala, isa si Joey sa magagaling na aktor ng sports drama series na Bolera, na mapapanood na sa May 30 sa GMA Telebabad.
Sa serye, gagampanan ni Joey ang karakter ni Freddie Roldan, ang magiging mentor ni Joni (Kylie Padilla) sa billiards.
Makakasama rin niya sa Bolera sina Rayver Cruz, Jak Roberto, Gardo Versoza, Jaclyn Jose, Al Tantay, David Remo, Via Veloso, Sue Prado, Ge Villamil, at Luri Vincent Nalus.
Samantala, tingnan ang magagandang larawan ni Winwyn Marquez sa gallery na ito: