
Binalikan ng magkapatid na sina Fifth at Fourth Solomon ang kani-kanilang mga karanasan sa coming out story ni Fifth sa naging pagbisita nila noong Agosto 22 sa video podcast na Your Honor, na pinangungunahan ng kaniyang nakakatatandang kapatid na si Chariz Solomon kasama ang co-host na si Mikoy Morales.
Inamin ng aktor at direktor na si Fifth na may pangamba siya sa kaniyang pag-out sa telebisyon noong siya ay nasa loob pa ng Pinoy Big Brother house.
“Noong umamin ako, parang ano siya, nakakatakot din siya,” ani Fifth.
Ayon sa kaniya, lumaki sila sa isang Christian school kaya malaking hamon ang ilabas ang kaniyang tunay na pagkatao dahil sa takot sa magiging reaksyon ng publiko.
Katunayan, inabot pa ng dalawang taon bago niya kinayang panoorin ang video ng kaniyang pag-amin.
“Actually after two years ko pa siya napanood 'yung video. Hindi ko siya kaya talaga,” sabi niya.
“Lumaki kami sa Born Again school, so parang it was hard for me to come out there. Tapos hindi ko alam anong nangyayari sa labas [ng PBB house], mga gano'n. Baka mamaya big deal na siya sa labas,” dugtong pa niya.
Bagama't pumasok ang takot at nasubok ang kaniyang mental at emotional capacity, iginiit niyang worth it ang kaniyang ginawa dahil maraming oportunidad ang nabuksan para sa kaniya sa showbiz.
“'Yung PBB talaga, masaya siya, pero hindi lang siya puro saya. Masusubok din talaga 'yung mental and emotional capacity mo. Pero parang noong una, parang natatakot talaga ako, ngayon, parang naisip ko na parang worth it siya. At least nag-come out ako sa television, bongga,” pagbabahagi pa ni Fifth.
“'Yun 'yung challenging part, pero after that, okay lang kasi ang dami namang nag-open na doors,” saad pa niya.
Paliwanag pa ni Fifth, nag-come out siya noon bilang bisexual dahil sa takot at upang “mag-play safe” pa para sa mga posibleng love team at proyekto, ngunit binigyang-diin niyang siya ay “full-blown gay.”
READ: Celebrities who are proud members of the LGBTQIA+ community
“Takot pa ako [noon] to make it like fully-gay, bi pa, you're still playing it safe na parang may opportunity pa to make a love team, be in showbiz,” aniya.
Naibahagi rin sa kwentuhan ang pagtawag ng kaniyang ama sa nakatatandang kapatid na si Chariz Solomon matapos mabalitaan ang pag-amin ni Fifth sa telebisyon.
READ: Chariz Solomon receives half of unpaid talent fee from 'Tahanang Pinakamasaya'
Gayunman, sinabi ni Fifth na wala siyang naramdamang emosyon o kalungkutan ukol dito.
“Rinig ko na he was kinda disappointed, parang wala lang sa akin, flat lang. Parang walang pakiramdam kasi hindi naman siya naging tatay sa amin. So akin, no emotion. 'Di rin nalungkot, 'di rin nagulat,” kuwento ni Fifth.
Samantala, inamin naman ng kaniyang kambal na si Fourth na nag-alala rin siya noong una para sa kapatid.
“Alam ko na before pa. Pero noong umamin siya sa PBB, parang may eksena pa kami. [Sinabi ko sa kaniya] 'Ba't mo inamin? 'Di mo naman kailangan sabihin sa kanila.' Natatakot pa rin ako noon for Fifth kasi nga hindi common na may ganoong sitwasyon,” sabi ni Fourth.
“Pero noong nakita ko si Fifth na mas naging maaliwalas na siya after ng ilang days, [sabi ko,] 'Maganda pala!',” aniya.
Unang nakilala ang kambal na sina Fifth at Fourth noong pumasok sila bilang housemates sa Pinoy Big Brother: All In noong 2014.
Ngayon, masayang nagpapatuloy ang dalawa sa kani-kanilang career. Si Fifth ay isa nang ganap na direktor at writer ng mga pelikula at show, habang si Fourth naman ay nakatuon sa pag-aartista, mga negosyo, at sa kaniyang pamilya.
Related Gallery: Get to know more about the controversial Fifth Solomon