Showbiz News

Rochelle Pangilinan at Aira Bermudez, instructors ng online fitness class

By Dianara Alegre

Magkatuwang ngayon ang dating SexBomb dancers na sina Rochelle Pangilinan at Aira Bermudez sa isang digital fitness class na kanilang inilunsad nitong Lunes, July 20.

Sa mga nagnanais na maging fit at manatiling healthy habang naka-quarantine sa bahay, lumahok lang sa W.A.R (Workout with Aira & Rochelle) sa halagang Php 100 per day.

Sa eksklusibong panayam ng 24 Oras kay kay Rochelle, ibinahagi niya na ang mga ituturo niya sa online class ay ang mga natutunan niya rin sa mga dance classes sa sinalihan niya noong nagsisimula pa lamang siya sa industriya.

“'Yung mga natutunan ko dati sa mga dance class na ina-attend-an ko nu'ng kabataan ko nu'ng nagsisimula pa lang kami, inilagay namin dito.

"Like 'yung sa mga stretching, mag-cool down, lahat talaga pati breathing exercise, lahat,” aniya.

Dagdag pa ni Aira sa kanyang panayam sa 24 Oras, hindi dapat matakot ang mga nagnanais na lumahok sa kanilang W.A.R. dahil hindi naman agad mahirap ang steps na kanilang ituturo.

“May mga options naman. Mayroon naman tayong tinatawag na basic. Mayroon ding intense depende naman kasi sa students kaya 'wag sila matatakot,” sabi pa ni Aira.

Source: @rochellepangilinan

Bukod sa fitness, ibinahagi rin ni Rochelle na dahil sa online class, nabibigyan ng pagkakataon ang mga estudyante nila na makasalamuha ang ibang tao, lalo na ngayong nasa bahay lang sila dahila sa COVID-19 pandemic.

“Nagkakaroon kami ng tsikahan muna and nasasabi nila kung ano 'yung mga…minsan, kung ano 'yung mga nangyayari sa kanila ngayon.

"So, nagkakaroon ka na rin ng kausap lalo na kung mag-isa ka,” dagdag pa niya.

Inamin din ng aktres na mas mahirap ang pagdaos ng online class kaysa face-to-face or normal dance classes.

“Mas challenging talaga kasi kailangan nakikita mo bawat isa kahit malayo ka. So, kailangan mo isa-isahin sila talaga,” aniya pa.

Samantala, dati nang pinaalalahanan ni Rochelle ang publiko tungkol sa wasto at ligtas na pagwo-workout.

Ayon sa naunang inteview sa Kapuso actress ng 24 Oras noong March 24, kung magwo-workout ay hindi raw dapat binibigla ang katawan.

“Isa pa 'yung technique, dapat gradual. Hindi mo puwedeng biglaan kasi mahirap nang maaksidente,” aniya.

“Dati nu'ng nagsisimula ako, unti-unti.

"Ang ginawa ko, three times a week, every other day or kaya ngayon nagfa-five times a week na ako. Tapos 'yung sets niya, ginagawa kong two sets, 10 to 12 repetitions, okey siya,” dagdag pa niya.