
Matapos ang sunod-sunod na sold-out shows sa Pilipinas, opisyal nang kinumpirma ng iconic dance group na SexBomb Girls na ililipad nila ang kanilang reunion concert na Get, Get, Aw! The World Tour sa Amerika ngayong May 2026.
Ang sorpresang ito ay bahagi ng kanilang inanunsyong world tour noong rAWnd 5 concert sa MOA Arena. Bago ang kanilang paglipad sa Amerika, una na nilang kinumpirma ang kanilang pagbisita sa Abu Dhabi at Dubai sa United Arab Emirates ngayong darating na Marso.
Sa isang Instagram post ng group leader at Kapuso actress na si Rochelle Pangilinan, ibinahagi niya ang excitement para sa kanilang US-based fans kasama ang official concert poster.
“Hindi pa tapos ang UAE… pero may pasabog na agad kami,” ani Rochelle sa kanyang caption.
Pabiro ring idinagdag ng aktres na dahil sa Amerika ang kanilang destinasyon, kailangang “level up” na rin ang kanyang pananalita.
“USA, ready ka na ba? Sa lahat ng Pinalaki ng SexBomb sa America — This is your sign. (Wow, English na din!)” dagdag pa niya.
Hindi rin nakalimot si Rochelle na paalalahanan ang mga Pinoy sa US na ihanda na ang kanilang mga sapatos at energy para sa inaabangang performance.
Nangako ang grupo na hindi mawawala ang kanilang signature dance moves na nagpasikat sa kanila noong early 2000s.
“I-gather na ang friends, ihanda ang boots, because we're bringing the kembot to you very soon. Get, get, aww—US edition!” pahayag ni Rochelle.
Bukod sa world tour, abala rin ang grupo sa paghahanda para sa rAWnd 6, ang ikaanim na gabi ng kanilang matagumpay na reunion concert series dito sa Pilipinas.
Related Gallery: SexBomb Girls light up Araneta with nostalgic Get,Get Aw reunion concert