Showbiz News

Matt Lozano tests positive for COVID-19

By Cara Emmeline Garcia

Hindi mapigilan ni Kapuso actor na si Matt Lozano na malungkot nang malaman na nagpositibo siya sa COVID-19 kasama pa ang apat na miyembro ng kanyang pamilya -- ang kanyang ama, ina, kapatid, at lola.

Kuwento ni Matt kay 24 Oras reporter Nelson Canlas, ibang klase ang pagsubok na hinaharap nilang pamilya ngayon.

Saad niya, “Sobrang nalulungkot ako at umiiyak ako kasi natatakot ako na 'pag nalaman ng tao pandirihan nila ako.”

Bitiw ng aktor at singer na naging maingat sila sa pagsunod ng health protocols.

Ngunit lahat ng ito ay naisantabi nang may bumisita sa kanila para magdala ng pagkain.

“Pinakita niya sa akin na nagpa-test siya, negative siya. So, bilang kaibigan, bilang alam mo naman tayong mga Pilipino 'pag ka may bisita, tatanggapin natin,” ani Matt.

“Sobrang sandali lang. After niyang ibigay 'yung pagkain, nagkuwentuhan lang kami nang sandali tapos umalis siya. Kinabukasan tumawag siya sa akin, 'Matt, meron akong flu.'”

Malaki naman ang pasasalamat ni Matt na hindi naging malala ang kanyang karamdaman at kasalukuyan silang nagpapagaling kasama ng kanyang pamilya.

Isa na si Matt sa Pinoy celebrities na nakakuha ng sakit na COVID-19. Kabilan na diyan sina Iza Calzado, Michael V., Sylvia Sanchez, at marami pang iba.