Showbiz News

Parañaque mayor, pinagpapaliwanag kaugnay ng pagbabakuna kay Mark Anthony Fernandez

By Dianara Alegre

Kabilang ang aktor na si Mark Anthony Fernandez sa mga binakunahan sa Parañaque dahil kasama ito sa quick substitution list ng lokal na pamahalaan ito bunsod ng kanyang comorbidity.

Ayon sa report ni Mariz Umali sa State of the Nation, hypertensive umano si Mark Anthony kaya “technically” ay pasok siya sa prioritization list ng lungsod.

Gayunman, hindi siya kabilang sa mga nauna dahil hindi ito healthcare worker.

Kinumpirma rin ng Parañaque health office na tinurukan na ng AztraZeneca vaccine ang aktor noong March 22 sa Queen Mary Help of Christians Hospital.

Samantala, ikinadismaya umano ni Department of Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing III ang naturang hakbang.

Pero giit naman city health office, hindi dahil sa palakasan kaya nabakunahan agad si Mark Anthony.

Ipinaliwanag ni Dr. Olga Virtusio, Parañaque City Health Officer, na napabilang sa prioritization list ang aktor dahil nga sa hypertension nito.

“Na-consider siya, Mariz, dun sa kanyang ano, kasi may tinake siyang for a while hypertensive itong batang ito.

"On Lozartan siya for a year or so, and being monitored on that.

"Pero on that day, reading-ready siyang magpabakuna at siguro nag-apply siya at naisama siya dun sa quick substitution list natin,” niya.

Hinihingian naman ni DILG Usec. Densing ng paliwanag ang lokal na pamahalaan ng Parañaque.

“Medyo nung dumating lang sa 'kin napikon lang ako, Mariz, kasi alam mo ang isang bakuna na para sa ating mga frontline workers 'pag hindi mo ginamit sa kanila ay isang bakuna na hindi natin pinagtatanggol 'yung ating mga healthcare workers.

“Pagpapatunay ito kung gaano kahina 'yung pag-i-implement nila ng vaccination plan.Dapat ipaliwanag 'yan nang husto ng mayor nila dahil command responsibility 'yan, e,” pahayag ni DILG Usec. Densing.

Wala pang komento ang panig ni Mark Anthony tungkol sa isyu.