
Handa na ang bagong Kapuso tandem na sina Heart Evangelista at Sean Lucas na mamigay ng saya at papremyo sa pinakabagong game show ng GMA na The People Have Spoken.
Sa ginanap na media conference ng programa noong Huwebes, May 28, kitang-kita ang kakaibang kulitan at good vibes na dala nina Heart at Sean sa audience.
Para kay Heart, nakatulong umano ang kanyang bubbly at machikang personality sa pagho-host ng programa.
"It was easy for me to accept kasi gusto ko kasi 'yung balitaktakan at sagutan ng mga Q&A. In this show, it's really [about] interacting with the people and their thoughts. It's a good way to educate yourself for certain things na, 'Ah, iba tayo ng pananaw. Pero okay, gets kita.' So bet na bet ko," pahayag niya sa 24 Oras.
Kuwento naman ni Sean na ang kanyang karanasan sa pagho-host ng Unang Hirit at TicktoClock ang naging pundasyon niya sa pakikipagkuwentuhan at pakikinig sa taong-bayan.
"I get to talk with the people talaga. Minsan nasa Tondo kami, kung saan-saan kami, nagpapa-quiz ako. So parang, kung sino-sino 'yung nakakasalamuha ko roon," aniya.
Sa likod ng kanilang fresh tandem bilang host, may respeto at hanga sina Heart at Sean sa isa't isa.
"Gumigising din kami ng 4 a.m., meaning to say pantay kami sa hustle sa pagtrabaho, sa pagiging very professional," kuwento ni Heart.
"Matalino siyang tao, so hindi siya mahirap kabatuhan. Kasi gets ko siya, gets niya ko. Tapos ang talino niya. By the way, he's single."
Para naman kay Sean, surreal pa rin ang pakiramdam na makasama si Heart sa isang game show. Lalo na't isa ang Kapuso actress sa mga hinahangaan niyang personalidad sa GMA.
"It's totally new to me. Kaya, I'm just trying to take it all in," sabi niya.
Sa The People Have Spoken, kailangang mapulsuhan ng celebrity contestants ang opinyon ng 100 studio audience tungkol sa iba't ibang paksa at isyu upang manalo.
Kakaiba ang naturang game show dahil sari-saring kuwento at pananaw ang maibabahagi ng people, gayundin ng mga contestant sa bawat episode.
"Different kind. So iba-iba talaga 'yung pananaw nila. But at the same time, alam mo rin 'yung mga taong punong-puno ng wisdom. Meron ako isang nag-guest malapit na akong iyakan ganyan. Nag-open up na siya ng lovelife niya," masayang kuwento ni Heart.
Humandang manalo dahil ang "POV mo, panalo" sa The People Have Spoken, tuwing Sabado, simula June 6, 6:15 p.m., sa GMA.
Silipin ang fun highlights ng The People Have Spoken media conference sa gallery na ito: