
Patuloy na humahataw sa ratings ang kauna-unahang figure skating series ng bansa, ang Hearts On Ice.
Noong Miyerkules, April 5, talaga namang inabangan ng manonood ang resulta ng audition para sa makakapareha ni two-time Winter Olympian Michael Martinez sa isang ice show. Marami ang nabigla nang hindi lamang si Sonja (Skye Chua) ang napili kung hindi maging sina Monique (Roxie Smith) at Ponggay (Ashley Ortega). Dahil dito, muling maghaharap ang tatlong figure skaters para sa ikalawang audition.
Napanood din sa nasabing episode ang hindi inaasahang muling pagkikita nina Libay (Amy Austria) at Gerald (Tonton Gutierrez), na dati pa lang magkasintahan.
Dito na rin sinabi ni Libay sa kaibigang si Janice (Antonette Garcia) ang pagbabalik ni Gerald, na aniya ay, tunay na ama ni Ponggay.
Sa pagpapatuloy noong Lunes, April 10, ikinuwento ni Libay kay Janice ang galit at takot na naramdaman nang muling makita si Gerald. Natatakot siya sa maaaring mangyari sa oras na matuklasan na ang itinatagong lihim tungkol sa tunay na ama ni Ponggay.
Nakapagtala ng 9.3 percent ang episode 18 ng Hearts On Ice na umere noong April 5, habang nakakuha naman ng 9.0 percent ang episode 19, base sa NUTAM People Ratings ng pinagkakatiwalaang market research firm na Nielsen Philippines.
Ngayong nagkrus na muli ang landas nina Gerald at Libay, hanggang kailan maitatago ni Libay ang lihim ng pagkatao ni Ponggay?
Abangan ang Hearts On Ice, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
Mapapanood din ang Hearts On Ice sa Pinoy Hits, I Heart Movies, GTV (11:30 p.m.), at naka-livestream din ito sa GMANetwork.com.
KILALANIN ANG CAST NG HEARTS ON ICE SA GALLERY NA ITO: