
Hindi makapaniwala ang actress/vlogger na si Herlene Budol na magbibida na siya sa sarili niyang serye na mapapanood sa GMA, ang Magandang Dilag.
"'Di ko po malabas 'yung nararamdaman ko na talagang totoo ba, weh? Parang 'di ako mapaniwala," bahagi niya sa isang exclusive interview ng GMANetwork.com kamakailan.
Ayon kay Herlene, hindi niya inaasahan ang pagyabong ng kanyang career sa showbiz dahil aminado siyang nahirapan siyang pasukin ang pag-aartista.
Bago pa man siya napanood bilang Wowowin contestant noong 2019, naging ekstra rin siya sa mga palabas.
Pagbabalik-tanaw niya, "Nag-start po ako po bilang ekstra 'tapos natatawa pa 'ko no'n sabi ng mga agency sa 'min, kapalan mo pa 'yung makeup mo.”
"'Tapos 'pag ipapalabas na sa TV, excited 'yung buong pamilya ko, kasama 'yung kamag-anak ko, lolo at lola ko, pinsan ko na manonood, sasabihin ko dadaan ako d'yan, kausap ko 'yan sa eksena. Kapag ando'n na, blurred 'yung mukha ko,” aniya.
"So ngayon from blurred to small screen so ako, 'hala grabe.' Para 'kong batang binigyan ng kendi, ng reward. Sobrang tuwang-tuwa ako."
Itinuturing nga raw ni Herlene na "first baby" niya ang Magandang Dilag.
"Ngayon nagte-taping na kami. Grabe 'yung pag-aalaga ko sa karakter ko kasi first baby ko 'to ever e. Kumbaga ito 'yung audition ko para may sumunod akong trabaho, para mapasaya ko 'yung ibang tao,” dagdag niya. "Sana matuwa sila kasi buong buhay ko ilalaan ko para sa first baby ko na' to kaya 'yun po sobrang happy po ako na pinagkatiwalaan po ako ng GMA."
Flattered din si Herlene dahil makakasama niya ang ilang batikang artista gaya nina Sandy Andolong, Chanda Romero, Al Tantay, at Adrian Alandy sa kanyang launching series.
"Tingnan n'yo po 'yung mga kasama ko, jackpot, para kong nanalo sa lotto. Mga kasama ko mga veterans,” kuwento niya. "Nangangapa ako, nagso-sorry talaga ako baka hindi ako makasabay pero nag-aaral naman po ako saka willing po akong matuto pa kahit na mapagalitan ako.”
"Mas gusto ko po 'yung pinapagalitan ako para nakikita ko po 'yung mga pagkakamali ko at maayos ko."
Ano naman kaya ang aasahan ng mga manonood sa Magandang Dilag character niyang si Gigi? Magpapatawa rin ba siya rito?
Sagot niya, "Magaling si direk Don Michael Perez, sobrang galing n'ya talaga kasi sabi n'ya, kung ikaw ine-expect ka ng tao na magpatawa, ibahin mo dapat i-expect nila 'yung ibang Herlene...pero, ako po, ipa-promise ko po sa inyo na ginawa ko po 'yung part at 'yung best ko kaya abangan n'yo po parang-awa n'yo na kasi gagalingan ko naman po talaga."
Pang beauty queen ang titulo ng kanyang new soap, na bagay na bagay kay Herlene na nakilala sa kanyang statement na “I am uniquely beautiful with a mission” sa Q&A portion ng Bb. Pilipinas 2022.
Para kay Herlene, ano naman kaya ang qualities para matawag ang isang tao na "magandang dilag?”
Bahagi ni Herlene, "Bonus na lang 'yung ganda na nasa labas kasi 'yung pinakaimportante 'yung nasa puso mo kung paano ka trumato ng ibang tao kasi ang pinaka motto ko in life, 'wag mong gawin sa iba, 'yung ayaw mong gawin sa 'yo.
"Tratuhin mo 'yung ibang tao na mas higit pa kaysa sa 'yo pero alagaan mo rin 'yung sarili mo na mas higit pa sa iniisip mo kasi para sa 'kin mas maganda ka tingnan, magre-reflect sa labas mo, sa panlabas mong kaanyuan. 'Yung kagandahang puso, nagre-reflect sa itsura mo at buong katawan."
Makakasama rin ni Herlene sa Magandang Dilag sina Benjamin Alves, Rob Gomez, Maxine Medina, Bianca Manalo, at Angela Alarcon. (With interviews by Aaron Brennt Eusebio)
NARITO ANG CAREER HIGHLIGHTS NI HERLENE: