
Ibinahagi ni Herlene Budol na nagkaroon siya ng alopecia dulot ng stress noong maging kandidata para sa Binibining Pilipinas 2022.
Ipinakita rin ni Herlene sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado ang kanyang panot sa ulo, na ipinasuri niya na sa doktor.
Ang rebelasyon ni Herlene, "Nagka-alopecia po akong malaki... Masaya naman ako doon sa Binibini. Pero siyempre 'yung pressure, 'yung wala kang kaalam-alam, sobrang bobo mo roon sa ibang bagay."
"Malala talaga noon. Mahigit pa sa triple 'yung effort na binigay ko po noon talaga. Kasi first time ko mag-seryoso sa gano'n," dagdag niya.
Ayon naman kay Herlene sa podcast na Updated with Nelson Canlas, lumala pa ang kaniyang kondisyon sa pagpanaw ng kaniyang lola, at sa bangungot na naranasan sa Miss Planet International 2022.
"Nagka-alopecia ako. Dati maliit lang ito kaya ngayon nagulat ako. Nadagdagan 'yan ng Africa. Tapos 'di ako matae. 'Yon pala stress."
"Tapos hindi ako nakakatulog. Hindi ako nakakatulog nang walang iniinom na [melatonin]," saad ni Herlene.
Ngunit sadyang matibay si Herlene, at inisip na lamang ang mga hirap na nalampasan niya na noon pa man noong bago siya mag-showbiz at naging working student.
"Mula school, munisipyo, minsan tumatanggap ako ng trabaho kahit 100 [pesos] per day. Minsan naman kapalitan ng M-W-F, sa tiangge naman ako sa Taytay, tapos Sabado at Linggo, waitress ako," ayon kay Herlene.
Ngayong balik Pilipinas na siya, naghahanda na ang dalaga sa gagampanang role sa Magandang Dilag kasama sina Sandy Andolong, Al Tantay, at Chanda Romero.
Magkahalong tuwa at kaba naman daw ang nararamdaman ni Herlene sa tuwing may eksena sila ng ka-tandem sa palabas na si Benjamin Alvez. "Nahihiya talaga ako, kahit nag-toothbrush ako at naka-ilang spray ako sa bibig ko."
SAMANTALA, SILIPIN ANG CAREER HIGHLIGHTS NG 'MAGANDANG DILAG' STAR NA SI HERLENE BUDOL SA GALLERY NA ITO?