Showbiz News

Rayver Cruz begs Janine Gutierrez to not delete his Mobile Legends account

By Dianara Alegre

Aminado si Kapuso actor Rayver Cruz na hindi niya nasunod ang lahat ng request ni Kapuso leading lady Janine Gutierrez sa kamakailang YouTube vlog ng aktres.

“Can't Say No Challenge” ang tema ng vlog nila kung saan dapat na sundin lahat ng aktor ang anumang hiling ni Janine.

Nasunod niya lahat ng request ni Janine gaya ng pagpapaligo sa pet dog, pagluluto ng meryenda, at pagsayaw ng “Marikit” habang nakahiga.

Ngunit ang tanging hindi niya nasunod ay ang utos ni Janine na burahin niya ang kanyang account sa online game na Mobile Legends.

Tumanggi ni Rayver dito at nakiusap sa aktres na huwag siyang pilitin na sumunod.

“Kung sino man makakapanood nito, alam nila. Alam ng buong bansa kung gaano kahirap kapag nawala na 'yung account mo sa ML kasi iba talaga, e. Si Alden alam 'yan,” natatawang pahayag ni Rayver.

Samantala, malapit nang magbalik sa ere ang All-Out Sundays: The Stay Home party show na kinabibilangan niya.

Gaya ng ibang show, online muna magaganap ang kanilang performances at kanya-kanya muna sila ng set up sa kani-kanilang mga bahay.

“Kailangan na masanay na muna tayo ng ganito, e. kumbaga parang new normal nga kung tawagin nila. Kailangan matuto rin tayong mag-adapt muna,” ani Rayver.

Magbabalik-telebisyon na ang All-Out Sundays simula sa Linggo, July 12 at mapapanood sa ganap na 12:45 ng hapon.

Mapapanood dito sina Alden Richards, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Christian Bautista, Aicelle Santos, Mark Bautista, Gabbi Garcia, Ken Chan, Rita Daniela, Miguel Tanfelix, Ruru Madrid, Kyline Alcantara, Jak Roberto, Mavy Legaspi, Golden Canedo, Jeremiah Tiangco, Garrett Bolden, Thea Astley, Kim de Leon, Shayne Sava, at Lexi Gonzales.