
Matapos lumabas ang malungkot na balita na pumanaw na si Mahal ngayong araw, August 31, hindi maiiwasan ng publiko na balikan ang kanyang masasayang alaala.
Isa na rito ang kanyang huling appearance niya sa Kapuso magazine show na Kapuso Mo, Jessica Soho kung saan na-feature ang pagbisita ni Mahal sa kanyang kaibigan na si Mura.
Sa episode ng KMJS, napanood ang pagiging emosyonal nina Mahal at Mura nang magpaalam sila sa isa't isa. Ito na pala ang kanilang huling pagkikita.
Saad ni Mahal, "Sabi ko, Mura huwag ka na mag-ganyan [umiyak]. Parang naawa lang ako kasi hindi ko expect 'yung wala kang trabaho. 'Yung pagte-therapy mo, hangga't nag-uugod-ugod, ipapa-therapy kita."
Nagpasalamat naman si Mura sa pagtulong ni Mahal. "Kay Mahal, nagpapasalamat ako sa kanya dahil narating n'ya itong bahay ko, malayo. Tulad ko tinulungan din niya, marami pa siyang matutulungan."
Bukod sa TV, napanood din ang pagkikita nina Mahal at Mura sa kanyang vlog at doon, tila mayroong ipinahiwatig si Mahal sa kanyang huling mensahe para sa dating katambal.
"Kapag halimbawa, nawala ako sa mundo, mayroon akong konting naitulong sa 'yo," banggit ni Mahal.
Kabilang si Mahal sa mga komedyante na pumanaw na. Muling balikan ang kanilang mga alaala sa gallery na ito: