
Ibinahagi ni Maria Argente ang kanyang pagdadalamhati at pag-alaala sa buhay ng kanyang anak na si Kim Idol.
Ang komedyante ay sumakabilang-buhay na ngayong umaga, July 13.
Ayon sa Facebook updates ni Maria, nabisita pa niya si Kim Idol bago ito tuluyang bawian ng buhay.
Isinulat niya ito bago mag-alas-siete ng umaga, kung saan ipinahiwatig niya ang pagpanaw ng kanyang anak.
Aniya, “Anak alam ko lumaban ka para hindi mo kami iwan. Pinaalis mo lang kami ng ate mo dahil hindi namin kaya na mawala ka. Maraming nagmamahal sa'yo anak. We love you.”
Ginunita rin ni Maria ang buhay ng kanyang anak.
Dugtong niya, malaking tulong ang nai-ambag ni Kim Idol bilang isang volunteer frontliner ngayong may COVID-19.
Patuloy niya, “Magandang alaala ang iniwan mo anak lalo na sa mga Covid victim na pinasaya mo inawitan mo.
"Sabi mo bumilis ang kanilang paggaling kasi nawawala ang kanilang lungkot. Hindi mo lang alam ang takot ni mama pero dahil gusto mo nga mag work bilang frontliner pumayag na si mama.
"Sobrang saya mo ng ibalita mo sa akin na kahit nakasalamuha mo sila negative result mo.
"Sobrang proud ako sa'yo anak. Maraming sumasaludo sa'yo, para sa akin anak isa kang bayani.”
Miyerkules, July 8, nang isugod sa ospital si Kim Idol at nang ilagay ang komedyante sa life support.
Noong 2015 unang ibinalita na mayroong rare medical condition si Kim Idol , ang brain arteriovenous malformation (AVM) o ang pagkakabuhol-buhol ng mga ugat sa utak na nagpapahirap sa pagdaloy ng dugo rito.