
Pansamantalang nagpaalam ang hosts ng noontime program na It's Showtime sa madlang people ngayong Biyernes, October 13.
Sa pangunguna ni Vhong Navarro, nagpasalamat ang hosts sa mga manonood ng It's Showtime at inimbitahan ang viewers na abangan ang variety show na It's Your Lucky Day, na mapapanood simula bukas (October 14).
Ang naturang programa ay hosted nina Luis Manzano, Robi Domingo, at Melai Cantiveros. May makakasama rin silang special co-hosts at celebrity guests.
Ayon pa kay Vhong, ang It's Showtime ay magbabalik sa October 28 para sa “Mini Miss U: The Cutest Finale.”
“Sa aming pagbabalik, October 28, magsama-sama tayo muli para sa 'Mini Miss U: The Cutest Finale'.
"Kaya madlang people, we'll be right back. Mami-miss namin kayo pero mabilis lang 'yan. Magkita-kita tayo uli," aniya.
Sa “Chika Minute” report kamakailan, matatandaan na hindi na iaapela ng ABS-CBN ang desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kaugnay sa It's Showtime.
Ayon sa Kapamilya network, tutuparin ng It's Showtime ang ipinataw na 12-day suspension na magsisimula sa October 14. Iginagalang din ng ABS-CBN ang awtoridad ng MTRCB ngunit naninindigan ang naturang network na walang nilabag na batas ang It's Showtime.