
Full support si Jak Roberto sa bagong proyekto ng girlfriend niyang si Barbie Forteza at ng love team partner nitong si David Licauco, ang TV adaptation ng Maging Sino Ka Man.
Sa Instagram Story niya ngayong Lunes, September 11, ibinahagi ni Jak ang countdown art card ng bagong GMA action-drama series na mapapanood simula ngayong araw.
"Mamaya na," sabi ni Jak sa post.
Kahit ilang beses mang na-isyu ang BarDa, may complete understanding ang real-life couple na sina Barbie at Jak tungkol sa kanilang trabaho bilang aktor.
Ayon kay Barbie, never nagselos ang boyfriend niya sa leading man niyang si David.
Paliwanag ng aktres, aware sila ni David na may limitasyon din ang kanilang tambalan.
Ika niya, "As per the fans, as grateful as we are for the support nila sa amin na kahit hindi namin hiningi, ibinigay nila sa amin nang buong puso. Siyempre sabi nga po ni Ms. Lea Salonga, we have to set our personal boundaries because, at the end of the day, tao po kami so I guess David will agree with me 'yung personal lives namin outside this partnership, outside this love team are off limits."
Diin pa niya, "The people that make us happy, the people that love us, family, loved ones, off limits po 'yun, hindi po 'yun kasama sa trabaho."
Ang Maging Sino Ka Man ay isang special limited series na hango sa 1991 film na may parehong pamagat. Ito ay mula sa direksyon ni Enzo Williams.
Ito ang pangalawang serye nina Barbie at David matapos ang Maria Clara at Ibarra kung saan sila nakilala sila bilang FiLay.