
Buong tapang na sumalang sa “The Talk” interview sa Fast Talk with Boy Abunda ang Kapuso at Sparkle star na si Joaquin Domagoso kung saan sinagot niya ang mga maaanghang na tanong ng King of Talk na si Boy Abunda tungkol sa kaniyang career at pagiging binatang ama.
July 2022 nang kumpirmahin ng ama ni Joaquin at dating alkalde ng Maynila na si Isko Moreno Domagoso na isa nang ganap na ama ang kaniyang anak. Ang ina ng anak ni Joaquin ay ang girlfriend nitong si Raffa Castro.
Sa nasabing panayam, diretsahang tinanong ni Boy si Joaquin tungkol sa totoong saloobin nito nang lumabas ang nasabing balita tungkol sa kaniyang pagiging ama.
“Natakot ka ba na that was the end your career? Natakot ka ba na naantala ang iyong pagsikat dahil nalaman ng iyong fans… na ikaw ay isang binatang ama?” tanong ni Boy kay Joaquin.
Ayon naman sa binatang aktor, totoong natakot siya sa estado ng kaniyang career noon lalo na't nagsisimula pa lamang siyang makatanggap ng maraming proyekto.
“Takot na takot po ako because when my fans see me, 'pag makita nila na parang ito 'yung parang ginagawang matinee idol or something, na siya 'yung next na bida. For me, I just want to do acting. I want to be an actor. I don't want to disappoint anybody.”
Kuwento pa ni Joaquin, napansin niyang nabawasan ang kaniyang followers sa social media pagkatapos lumabas ang balitang isa na siyang ganap na ama.
Gayunpaman, nagpapasalamat naman ang binatang aktor sa lahat ng fans na patuloy na sumusuporta sa kaniya.
Aniya, “I got to breathe a bit, because, what happened afterwards, maraming pumasok [na projects].
“'Yung mga totoo na, tunay na fans ko [sinusuportahan pa rin ako] dahil nakikita nila na mabait na tao talaga ako, na gusto ko lang magpatawa ng tao. That's who I am and that's who I want to be as an artist.”
Pagbabahagi pa ni Joaquin, suportado ng kaniyang mga magulang ang kaniyang pagiging ama pero inudyok siya ng kaniyang ina na si Lynn Ditan na huwag munang magpakasal na pareho naman nilang sinang-ayunan ni Raffa.
“It's not that we're not gonna marry. It's not that we're deciding or not deciding, that's the whole beauty about it. The moment you decide or not decide something, mawawala 'yung question when I do ask and if I do ask,” paliwanag ni Joaquin kay Boy.
Makahulugan naman ang sinabi ni Joaquin tungkol sa ideya ng pagpapakasal. Aniya, “We're smart, we're a new generation po and nakakaisip na po kami na parang hindi lang po dahil na may anak na po kayo [kailangan] magpakasal na po kayo. You have to really fall in love with each other.”
Samantala, kamakailan lamang ay muling nakatanggap ng pagkilala si Joaquin sa kaniyang mahusay na pagganap sa pelikulang The Boy in the Dark.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:50 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
MAS KILALANIN SI JOAQUIN DOMAGOSO SA GALLERY NA ITO: