
Sa isang eksklusibong panayam sa programang Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi ng aktres na si Jodi Sta. Maria ang tungkol sa kuwento ng kanyang upcoming film na Midnight Girls at ang karanasan niya nang siya ay maging isang performer sa bansang Japan bilang bahagi ng kanilang immersion para sa pelikula.
Ayon kay Jodi, ang kanilang pelikula na idinirehe ni Irene Villamor ay umiikot at sumasalamin sa tunay na kuwento ng mga kababayan nating performer sa ibang bansa na lumalaban para sa sarili, pangarap, at sa mga mahal sa buhay na kanilang iniwan upang makapaghanapbuhay.
“Ang Midnight Girls, Tito Boy, istorya siya ng apat na babae na nakipagsapalaran sa Japan. Makikita mo rito 'yung kanilang buhay, 'yung kanilang istorya, 'yung sakripisyo na kailangan nilang gawin, 'yung pagbibihis nila ng iba't ibang pagkatao para lang lumaban at makalaban,” sabi ni Jodi.
Binigyang-diin pa niya ang bigat ng mga karakter na kanyang ginagampanan, kung saan ang bawat personang isinusuot ng mga babae ay hindi lamang isang pagganap kundi isang paraan ng sakripisyo.
“There's always a persona, there's always a role that you have to portray; but with these girls, nanggagaling sila sa kailangan nilang mag-survive hindi lang para sa mga sarili nila, kung hindi para sa mga mahal nila sa buhay, at para sa mga pangarap nila,” aniya.
Ibinahagi rin ni Jodi na sila ay nagkaroon ng immersion sa isang omise o bar-restaurant sa Nagoya, Japan at ibinahagi pa niya na hindi alam ng mga customer na Hapon na sila ay naka-immersion para sa naturang pelikula.
Ayon kay Jodi, mahalaga para sa kanila ng co-stars niyang sina Sanya Lopez, Loisa Andalio, at Jane Oineza na mag-immersion o maranasan ang tunay na dinaranas ng performers upang mas maintindihan pa nila ang kuwento sa likod ng mga ito.
“It is important for us, doon sa character namin na truly maintindihan 'yung lalim ng pinanghuhugutan, 'yung pinanggagalingan ng mga babae; ng mga istorya na ilalahad namin,” pahayag ni Jodi.
Upang mas mapalalim ang kanyang pagganap sa pelikula, ibinahagi ni Jodi ang hamon ng kanyang immersion sa isang omise sa Japan, kung saan kailangan niyang talikuran ang kanyang pagkakakilanlan bilang artista upang maging isang performer.
Inilarawan pa niya ang reyalidad ng buhay ng isang performer sa Japan, kung saan ang prayoridad ay ang mapanatili ang kasiyahan ng mga client para sa ikabubuti ng kanilang trabaho.
“Part doon is 'yung immersion, kailangan naming pumunta sa isang omise, hindi alam ng mga client, ng mga Hapon; ang iniisip lang nila, ang pakilala lang sa amin ay kami ay mga bagong salta. So, s'yempre andoon ako sa Japan bilang si Yuki, kilala nila ako bilang si Yuki. So, ayun, you just have to do whatever to make them happy. You just entertain; you sing, dance, you make kwento, basta maayos sila sa'yo,” kuwento niya.
Ikinuwento rin ni Jodi ang naging karanasan nila sa entablado kung saan kinailangan nilang sumayaw, kumanta, at sumunod sa mga client.
“I think hindi [mo p'wedeng sabihing] 'no'. Sa kanila, customer is always a king. Kung ano ang gusto nila 'yun ang masusunod. Nagkaroon kami ng isang day where we have to perform, mayroong center stage doon; we have to sing, and then dance, and binigyan nila kami ng mga tip,” sabi ni Jodi.
Hindi rin pinalampas ng aktres ang pagbabahagi ng mga kakaibang regalo na natanggap niya mula sa kanyang mga client sa Japan.
“'Yung unang client na nag-table sa akin doon; s'yempre asang-asa ako na makakalapad ako, 'di ba? Binigyan ako ng kape. 'Di ko alam kung bakit kape. Itinago ko 'yung kape, inuwi ko sa Philippines. May isa naman doon na binigyan ako ng isang bote ng mamahaling whisky,” kuwento niya.
Ayon pa kay Jodi, ang bawat perang natanggap niya sa pagiging isang performer ay naging malaking tulong para sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan habang nasa Japan.
“'Yung lapad na natanggap ko, 'yun ang nag-sustain sa akin for one month, 'yun 'yung pinambibili ko ng mga kung ano-ano, pang-everyday,” sabi ni Jodi.
Isa pa sa ibinahagi ni Jodi kung paano naging maingat ang mga Hapon sa pakikitungo sa performers. Ipinahayag din niya ang pasasalamat sa performers na tinawag nilang “mama” na siyang nag-ingat sa kanila na hindi makaranas ng kahit ano mang uri ng harassment sa kanilang pmamalagi doon para sa immersion.
“They are very careful with that, kasi kapag na-offend 'yung mga babae, we can easily report them to the police, and medyo maingat sila sa mga ganoon,” ani Jodi.
“We're also thankful sa aming mga “mama” na andodoon because they really care of us. Hindi na kailangang umabot sa punto na may ma-harass na isa sa amin. I just can imagine 'yung paano sila, 'yung buhay nila, I'm sure nangyari ito sa kanila, and hindi ito madaling sitwasyon,” dagdag pa niya.
Mapapanood ang Midnight Girls sa mga sinehan simula May 13.
Related Gallery: Jodi Sta. Maria's stunning and sexiest looks