
Aminado ang veteran comedian-TV host na si Joey de Leon na madalang na siyang gumawa ngayon ng pelikula.
Huling napanood ang Eat Bulaga pioneer sa big screen noong 2017 sa pamamagitan ng pelikulang pinagbidahan ng kapwa Dabarkads na si Paolo Ballesteros, ang Barbi: The Wonder Beki. Bago ito, gumanap sa ilang supporting roles si Joey sa mga pelikulang pinagbibidahan ng kanyang matalik na kaibigang si Vic Sotto. Kabilang na rito ang mga dating Metro Manila Film Festival (MMFF) entries tulad ng Enteng Kabisote 10 and the Abangers (2016), My Bebe Love: KiligPaMore (2015), at My Little Bossings (2013).
Ngayong 2022, kinuha na raw ni Joey ang pagkakataong gumawa muli ng pelikula nang malaman niyang hindi dadalo sa MMFF ang kaibigan at kapwa Eat Bulaga pioneer na si Vic.
“Nabalitaan ko, hindi gagawa si Vic ng pelikula. Hindi siya gagawa, e, sayang,” sabi ni Joey sa ginanap na grand media conference ng pelikulang My Teacher, na ginanap kaninang tanghali, December 12.
Sa pelikulang ito, makakasama ni Joey bilang bida ang actress at dating Eat Bulaga host na si Toni Gonzaga. Habang ang asawa ni Toni na si Paul Soriano ang nagsilbing direktor ng My Teacher.
Dagdag pa ni Joey, sa dami raw ng movie offers sa kanya, “Pinili ko yung kay Toni. Actually, ang daming offers. Meron talaga, pero hindi na ako nagpepelikula, e. At saka maganda ang istorya nina Paul at Toni, e.”
Natuwa rin daw si Joey dahil bagaman drama ang tema ng My Teacher, napagbigyan siya ni Direk Paul na magpatawa kahit kaunti ang karakter na kanyang ginampanan.
Aniya, “Pinayagan niya naman at saka ang gusto ko rin naman ay hindi masyadong seryoso para kumpleto. Kumpleto yung pelikula, e. At saka na-miss ko yung sa Iskul Bukol, e, tungkol sa school ito. Na-miss ko rin si Miss Tapia, Miss Toni naman ngayon.”
Bukod kay Toni, makakasama rin ng beteranong comedy actor ang ilang nakababatang aktor tulad nina Pauline Medoza, Kych Minemoto, Isaiah dela Cruz, at ang magkasintahang sina Ronnie Alonte at Loisa Andalio.
Isa rin daw ito sa mga nagustuhan niya sa pagiging bahagi ng MMFF official entry.
Lahad ni Joey, “Sanay ako na may mas bata, kahit na malayo [ang edad ko] dahil sa Eat Bulaga ganun kami, e. Kaya tumatagal yun Eat Bulaga, e, dahil yung youth na-i-inject doon--from Ryzza [Mae Dizo] 'tapos si Maine [Mendoza], mga bata, sina Maja [Salvador], Miles [Ocampo]. So, at home ako, natapos yung movie. Medyo masakit gumising sa umaga, pero nakaraos.”
Sa huli, hinikayat ni Joey ang mga Pilipinong manonood na panoorin ang My Teacher at lahat ng mga kasama sa MMFF ngayong taon.
“Sana tangkilikin ninyo, hindi lang ito, kundi lahat ng pelikulang kasama sa MMFF,” pagtatapos niya.
HABANG HINIHINTAY ANG MMFF 2022, TINGNAN ANG MGA KAPUSONG BUMIDA RITO NOONG 2021: