
Kamakailan lang ay kumalat ang ilang sensitibo at pribadong video na kinasangkutan ng apat na aktor. At ayon kay Jon Lucas, muntik na rin siyang mabiktima nito.
Sa pagbisita niya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes kasama si Ysabel Ortega, inamin ni Jon na nakatanggap din siya ng ilang mensahe mula sa mga kababaihan na nagpapakita ng interes sa kanya. Ayon sa aktor, sa tingin niya, ang mga nagpapadala ng message na iyon ay ang parehong grupo na bumiktima sa iba pang aktor.
“Pakiramdam ko nga, parang ganu'n din, e. Kasi paulit-ulit din talaga sila, tapos may binabanggit silang name ng condo na kunyari, minsan nagba-bike lang ako or boxing, biglang may magsasabi, 'Dito ka naman mag-gym sa ganitong condo.' Paulit-ulit. Lahat ng stories ko, rereplyan nila ng ganun,” sabi ni Jon.
Pagpapatuloy pa ng aktor, may direct messages din siyang natatanggap na hindi niya binubuksan. Paliwanag ng aktor, tinatanggihan at hindi niya pinapansin ang mga ito dahil iniisip niya ang kanyang asawa na si Shy Feras.
“Iniisip ko lang po 'yung asawa ko talaga at saka 'yung mga anak ko po. 'Yun lang talaga ang feeling ko masasabi kong nagpapalakas sa akin at nagpapaiwas sa 'kin sa tukso,” sabi ni Jon.
SAMANTALA, KILALANIN ANG MGA CELEBRITY NA BIKTIMA NG SEXUAL HARASSMENT SA GALLERY NA ITO:
Matatandaang kamakailan lang ay kumalat ang ilang maseselang videos na kinasangkutan ng ilang aktor. Kabilang dito si Nikko Natividad, na umamin sa vlog ni Ogie Diaz ng kanyang ginawa.
Kaya naman, si Jon, tinawagan ang kaibigan para ibigay ang kanyang suporta.
“Minessage ko siya kaagad, Tito Boy, kinumusta ko siya, siyempre inisip ko kaagad 'yung family niya,” sabi ni Jon.
Dagdag pa ng aktor, bilang respeto ay pinili niyang huwag panoorin ang video, at inaming nakumpirma na lang niyang totoo ito nang maglabas sina Nikko at Cielo ng pahayag.
Panoorin ang panayam kina Jon at Ysabel dito: