
Kapwa pinarangalan ang award-winning broadcast journalist na si Kara David at ang actress at content creator na si Ivana Alawi bilang Best Host for Public Service sa FAMAS Broadcast Awards 2026, na ginanap noong Lunes, July 20, sa The Manila Hotel.
Sabay na tinanggap nina Kara at Ivana ang kanilang award at nagbigay ng kanya-kanyang mensahe.
Sa kanyang speech, binigyang-pugay ni Kara ang paghihirap ng kanyang crew at staff. Pinasalamatan din niya ang mga taong pinagkatiwalaan sila ng kanilang mga kuwento.
"Marami pong salamat muli FAMAS," sabi ni Kara. "Lagi ko pong sinasabi 'yung mga parangal na ito ay hindi naman talaga sa amin, ito ay bunga ng paghihirap ng aming crew, ng aming staff, at po ng mga cameraman, production crew, production assistant. Ito po ay bunga ng kanilang paghihirap.
"But more than that, nagpapasalamat po ako sa lahat po ng mga taong pinagkatiwalaan po nila ako ng kanilang mga istorya kasi wala po kaming maikukuwento kapag hindi sila nagtiwala sa amin. So, sa lahat po ng mga nagpa-interview sa amin at lahat po ng mga komunidad na pinapasok kami sa kanilang mga tahanan, maraming-maraming salamat po sa pagtitiwala. Makakaasa po kayo na 'yung tiwala po ninyo ay pahahalagahan ko po. Maraming salamat po muli sa FAMAS at inaalay ko po ito sa lahat ng Pilipino."
Ibinabahagi naman ni Ivana ang natanggap na award sa kapwa niya nominees para sa Best Host for Public Service na sina Kara David, Jessica Soho, PAO Chief, Atty. Persida Rueda-Acosta, Dra. Edinell Calvario, at Vicky Morales.
"Maraming-maraming salamat po ulit sa FAMAS for this award. I actually want to share this with also my co-nominees dahil napakaganda talaga ng mga ginagawa rin nila," sabi ni Ivana.
"And again, with everything that's happening in this world, I think it's very important na nagse-share tayo ng positive content and tumutulong tayo sa ating mga kababayan because 'di ba, sino pa bang magtutulungan kundi tayo-tayo lang," dagdag niya.
Samantala, basahin ang interview ni Kara David sa ex-child star na si BJ Forbes para sa i-Listen sa gallery na ito: