
Nilinaw ni Kamao star na si Katrina Halili sa kanyang ekslusibong panayam sa "Chika Minute" sa Kapuso news program na 24 Oras ang kanilang current status ng ex-partner na si Kris Lawrence.
Maraming fans at supporters ng dalawa ang nakapapansin sa tila tumitindi at mas nagiging sweet pa ang dalawa kasama ang kanilang anak na si Katie, lalo na sa ilang mga video at photo na ibinabahagi nila sa social media kamakailan.
Matapos tanungin si Katrina kung nanunumbalik ba ang feelings niya para kay Kris, hindi agad nakaimik ang aktres. Sagot niya na sa ngayon ay wala siyang masasabi pa tungkol dito at ito ay isang “secret” muna.
“Sa balikan po? Wala, secret lang. Secret,” sagot ni Katrina.
“Wala tayong sasagutin, bawal daw. Bawal daw po sumagot,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Katrina, mas mahalaga para sa kanya ngayon na mas nagiging malapit at mas tumitibay ang samahan nina Kris at ng kanyang anak na si Katie na siyang matagal niyang hiling.
“Happy ako na nakikita ko na nagiging tatay talaga siya, at nararamdaman ko talaga 'yung pagiging present niya as tatay,” ani Katrina.
Kamakailan ay nagbakasyon sina Katrina at Kris sa El Nido, Palawan. Noong Enero, ipinagdiwang din ni Katrina ang kanyang kaarawan kasama sina Katie, Kris, at ang anak ni Kris na si Lyric.
Tungkol naman sa posibilidad na magbalikan, sinabi ni Kris sa kanyang vlog noong Pebrero na bukas siya rito kung sakaling pareho pa silang single pagkalipas ng sampung taon.
“Why not? It's too far from the future. Anything's possible siguro if in 10 years we're both single,” ani Kris.
Ibinahagi rin ni Katrina na siya ay nakaka-relate sa kanyang karakter na gagampanan sa upcoming Kapuso series na Kamao dahil gaganap siya bilang ina ng karakter ng lead star ng seryeng si PBB Celebrity Collab Edition 2.0 former housemate na si Anton Vinzon.
Sabi ni Katrina, itinuturing niyang anak si Anton katulad ng kung paano niya ituring ang anak na si Katie. Ipinahayag niya rin na marami ang maaantig sa kanyang kuwento sa serye.
“Binubuhos ko talaga dito 'yung pagiging nanay ko. As in parang si Anton ay ginawa ko siyang si Katie,” pahayag ni Katrina.
“Maraming makaka-relate kasi marami pong nanay. Kahit hindi ka nanay, basta gagawin mo lahat para sa pamilya mo,” dagdag pa niya.
Mapapanood si Katrina sa Kamao, isang bagong seryeng handog ng GMA Entertainment Group na tungkol sa pag-abot sa pangarap, na hango sa temang pampamilya at sports.
Mula ito sa direksyon nina L.A. Madridejos at Richard Arellano, kasama ang associate director na si Kevin De Vela.
Ipapalabas ang Kamao sa GMA Afternoon Prime soon.
Related Gallery: Katrina Halili celebrates birthday with her blended family