
Kinilala ang husay at dedikasyon ni Kelvin Miranda para sa kanyang role bilang Adamus sa superserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Nagwagi si Kelvin bilang Best Performer (Series/Anthology) sa FAMAS Broadcast Awards 2026, na ginanap noong Lunes, July 20, sa The Manila Hotel. Nominado rin sa nasabing award sina Bea Alonzo, Coco Martin, Jodi Sta. Maria, Esnyr, at Sharon Cuneta.
Sa kanyang speech, masayang pinasalamatan ni Kelvin ang mga taong naniwala sa kanya.
"Unang-una, Lord, thank you. FAMAS, maraming-maraming salamat sa pagkilala na ito," sabi ni Kelvin.
"Gusto ko lang din magpasalamat sa GMA sa patuloy na pagsuporta na matupad 'yung mga pangarap ko. Sa Sparkle, [kay] Ms. Annette Gozon, maraming-maraming salamat po sa inyo para sa patuloy po na pagtitiwala sa akin. Maraming salamat din [kay] Ms. Joy Marcelo sa paniniwala sa akin.
"Maraming salamat din sa team Artist Management, kay Mr Tyronne Escalante, sa aking manager, maraming salamat sa pagpu-push, pagsuporta, at paniniwala rin sa akin. And sa lahat po ng naniniwala sa akin, maraming-maraming salamat po."
Pag-amin ni Kelvin, hindi siya sanay na tumanggap ng award o pagkilala. Pero, aniya, "Ngayong gabi po na ito, ang FAMAS po ang nagbigay sa akin ng apoy para pagliyabin pa ang aking pangarap para maabot ko ang aking gusto. Ang tropeo po na ito ay nagsisilbi na bagong simula, bagong pagsusumikap, at bagong paniniwala.
"Kagaya nga po ng sinabi ni Meme Vice [Ganda], hindi po natin kailangang tanggalin 'yung pagiging bata sa kalooban natin. Kailangan nating pairalin ang pagiging malikhain upang tayo'y makalikha ng mga sining."
Pinasalamatan at inialay ni Kelvin ang natanggap na award sa mga taong nakasama sa pagbuo ng Encantadia Chronicles: Sang'gre at sa pumanaw na ama na, aniya, paniguradong proud sa kanya.
"At maraming-maraming salamat din sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, mula sa director, producers, staff, crew, sa mga co-actors ko, para sa inyo 'to. Alam n'yong hindi madali 'yung pinagdaanan natin para matapos at mabigyang saya ang mga kabataan, maantig ang kanilang mga puso, mga adults sa kanilang mga tahanan. Naghatid tayo ng matapang na mensahe. Para sa inyong lahat ito.
"Para na rin po ito sa tatay ko. Kung nakikita n'ya man ako ngayon alam kong magiging proud siya sa akin. Salamat."
Related content: Meet 'Sang'gre' heartthrob Kelvin Miranda