
Kontrobersyal ang 'Pinutulan' episode ng bagong 'Wish Ko Lang' ngayong Sabado. Hindi lang kasi basta-bastang pagtataksil ang naganap sa istoryang tampok, kung hindi apat ang naging kabit ng isang lalaki at lahat ito kaibigan pa ng kanyang misis!
Lalaking may apat na kabit, pinutulan ng ari ni misis! / Source: Wish Ko Lang
Sina Lotlot de Leon at Ahron Villena ang gaganap bilang bagong kasal na sina Rowena at Edward. Isang single mom si Rowena na magpapakasal sa mas batang lalaki na si Edward.
Ang hindi alam ni Rowena ay babaero pala ang kanyang napangasawa at ang mas malala pa ay hindi lang isa o dalawa kung hindi apat sa mga kaibigan niya ang magiging babae nito.
Si Rowena at ang tatlo sa apat niyang kaibigan na magiging kabit ng kanyang mister / Source: Wish Ko Lang
Sina Faye Lorenzo, Arny Ross, Janna Dominguez at Claire Castro ang gaganap bilang mga taksil na kaibigan ni Rowena, habang si Jeremy Sabido naman ang gaganap na Keneth, ang anak na lalaki ni Rowena.
Kalaunan ay mapupuno sa ginagawang pambabae ni Edward si Rowena at 'yon ang magtutulak sa kanya upang putulin ang ari ng kanyang asawa.
Si Lotlot de Leon bilang Rowena / Source: Wish Ko Lang
Nang tanungin kung dapat bang bigyan ng pangalawang pagkakataon ang asawa o karelasyon na nagtaksil, pareho ang naging opinion ng lead actors na sina Lotlot at Ahron.
Ani Lotlot, “Mas mainam siguro na maghiwalay na lang kung hindi na maaayos o magkapatawaran, kaysa gumawa ng bagay na pagsisisihan sa huli.”
Sabi naman ni Ahron, “Ako, kung ano 'yung babae, hindi naman dapat umabot sa pagputol. Kung hindi na niya kayang bigyan ng pagkakataon, makipaghiwalay na lang sana siya.”
Si Ahron VIllena bilang si Edward, ang lalaking pinutalan ng ari ng kanyang misis / Source: Wish Ko Lang
Ang 'Bubble Gang' star naman na si Faye Lorenzo naniniwala na dapat bigyan pa ng isang pagkakataon ang karelasyon na nagtaksil.
Paliwanag ni Faye, “Dapat bigyan muna nila ng chance na maayos pa nila ['yung kanilang relasyon]. Pag-usapan nila mabuti kung bakit [nangyari 'yon] at [kung] ano'ng kulang para nang sa ganun ay maitama or magawan pa ng paraan.
“Kasi tao lang din tayo, nagkakamali. Pero kung paulit-ulit na, hindi na dapat kasi hindi na pagkakamali 'yun, ginusto na 'yun.”
Sina Ahron Villena at Faye Lorenzo sa 'Pinutulan' episode / Source: Wish Ko Lang
Nagbigay naman ng payo sina Lotlot at Arny kung paano makakaiwas ang isang tao sa tukso.
Sabi ni Lotlot, “Temptations will always be there, pero naniniwala ako that you can never break up a happy marriage. If you truly love the person, you won't do anything to jeopardize your relationship.”
Payo naman ni Arny, “Isipin mo lang palagi lahat ng nagawang maganda ng partner mo sa buhay mo, at lahat ng pinagdaanan n'yo.”
Isa sa mga kontrobersyal na eksena sa 'Pinutulan' episode / Source: Wish Ko Lang
Pareho naman ang opinyon nina Lotlot at Claire sa paniniwala na mas nakadaragdag sa pagkalalaki ang pambababe.
Saad ni Lotlot, “I don't believe in this. Hindi nasusukat ang pagkalalake sa pagiging babaero kundi sa pagiging responsible na asawa at ama.”
Sumang-ayon naman si Claire dito at sinabing, “No way!!! Sobrang halata na insecure yung partner mo when they have to seek validation everywhere.”
Sina Claire Castro at Faye Lorenzo sa 'Pinutulan' episode / Source: Wish Ko Lang
At nang tanungin kung ano ang bagay na sa tingin nila ay dapat putulin sa buhay ng tao, may pagkakahawig ang mga sagot ng stars ng 'Pinutulan' episode.
Ani Ahron, “Putulin ang pakikipagharutan kapag may girlfriend or asawa ka na.”
Halos ganito rin ang naging sagot ni Arny nang sabihin niyang ang pagiging makasalanan ang siyang dapat putulin.
Sabi pa ni Arny, “Put God first always! Para rin makaiwas ka sa tukso.”
At, ayon naman kay Faye ay dapat putulin o wakasan ang hindi pagiging kontento sa buhay.
Paliwanag ni Faye, “Sa tingin ko po dapat putulin sa tao is yung ugali na walang contentment sa buhay. Kasi minsan kahit nasa atin na ang lahat naghahanap pa tayo ng mas higit pa dun. Hindi na tayo nakukontento sa kung anong meron na tayo.”
Huwag palampasin ang kakaiba at kontrobersyal na 'Pinutulan' episode na tiyak kapupulutan ng aral at inspirasyon sa bagong 'Wish Ko Lang,' ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
RELATED:
TINGNAN: Mga eksena sa 'Pinutulan' episode ng bagong 'Wish Ko Lang'
'Napagkamalang Aswang' episode ng bagong 'Wish Ko Lang,' may 8.8M views na sa FB!