
Napatalon sa saya ang team Little Charmers nang maipanalo nila ang PhP200,000 jackpot prize sa kanilang paglalaro sa Family Feud kahapon, Miyerkules, October 25.
Ang nasabing team ay binubuo ng mga makukulit at bibong Sparkle talents kasama ang naging anak-anakan noon ng Family Feud host na si Dingdong Dantes sa seryeng Royal Blood na si Sienna Stevens, ang isa sa mga bida ng Metro Manila Film Fest entry na Firefly na si Euwenn Aleta, up-and-coming child stars na sina Arhia Faye, at Franchesco Maafi.
Nakalaban nila ang team na The Cutie Crew na pinangunahan ng gumanap na Little John sa Voltes V: Legacy na si Raphael Landicho, kasama sina Juharra Asayo, Ethan Harriot, at Cassandra Lavarias.
Ang Little Charmers at The Cutie Crew ay ang mga unang team na naglaro sa kauna-unahang Kids Edition ng Family Feud hindi lang sa GMA kung 'di sa lahat ng franchises ng programa sa buong mundo.
Sa kanilang paglalaro, panalo agad ang Little Charmers sa first round sa score na 74 points. Nakabawi naman ang team The Cutie Crew sa second round kung saan nakakuha sila ng score na 79 points.
Pagdating sa third round, nagpatuloy pa ang winning moment ng The Cutie Crew nang makuha nila ang lima sa anim na survey answers sa tanong na, “Anong animal sound ang kaya mong gayahin?'
Sa final round, kung saan triple na ang puntos na katumbas ng bawat tamang sagot ay masuwerteng na-steal ng Little Charmers ang game sa score na 332 points.
Sa fast money round, sina Euwenn at Franchesco mula sa team Little Charmers ang naglaro kung saan nakabuo sila ng 219 points na lagpas pa sa kinakailangang score upang makuha nila ang jackpot prize na PhP200,000.
Abangan ang mga susunod na special episodes ng Family Feud Kids Edition.
Tumutok sa Family Feud kasama si Dingdong Dantes, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 ng hapon sa GMA . Maaari rin itong mapanood via livestream sa Family Feud YouTube channel at Facebook page, GMA Network YouTube Channel, at sa Family Feud show page sa GMANetwork.com.