
Aminado si Marian Rivera na wala pa siyang nakahandang plano para sa kanyang nalalapit na birthday sa August 12.
Bagkus mas pinaghahandaan niya ang birthday ng kanyang asawang si Dingdong Dantes na magaganap sa August 2.
"Wala pa talaga, wala pang plano. Siguro yung kay Dong muna ang ipaplano ko, kasi magbe-birthday siya this coming August 2," nakangiting sagot ni Marian nang tanungin siya ng GMANetwork.com sa nakaraang store launch ng KIKO Milano, ang Italian makeup brand na kanyang ini-endorso.
"Sa birthday ko, simple lang siguro, kasama ang family and friends."
Wala rin silang panahon pa para makapag-travel kasama sina Zia at Sixto dahil sa showbiz commitments nilang mag-asawa. Kasalukuyan, busy si Dong sa Royal Blood at Amazing Earth. Si Marian naman mayroong binubuo na Against All Odds, ang primetime teleserye kung saan kasama niya sina Gabby Concepcion at Max Collins.
"Wala, kasi may soap ako, tapos may movie, so, parang ang hirap umalis in between."
Ang tinutukoy ni Marian na "movie" ay Rewind, ang collaboration ng APT Entertainment, Star Cinema, and Agosto Dos Media ni Dong. Isa ito sa entries sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Hindi lingid sa kaalaman ng kanyang fans na simula nang maging Mrs. Dantes si Marian, mas inuuna na lagi ng aktres ang kapakanan ng kanyang asawa at mga anak.
Kaya naman kahit pagdating sa konsepto ng beauty at pagpapaganda, naniniwala ang Kapuso Primetime Queen na malaki rin ang role ng kanyang pamilya sa kanyang overall na kagandahan.
"Dati kasi 'pag sinabi mong beauty na wala kang asawa at wala kang anak, naka-focus ka sa sarili mo. Pero ngayong may anak at asawa ka, parang yung masasabi mo na yung beauty ay ibinibigay sa'yo nitong mga taong nagmamahal sa'yo para mag-bloom ka at maging maganda."
Dagdag pa ni Marian, matagal na niyang nalaman at natanggap ang mga bumabagay at hindi bagay para sa kanya.
"Kasi before parang alam ko na sa sarili ko kung ano yung bagay at hindi bagay sa akin. Siguro mas na-justify lang, itong nagtatrabaho na ako at lalong kailangan kong mag-makeup dahil sa trabaho, siguro mas na-enhance lang yung kaalaman ko na, 'Ah, ito pala ang mas maganda pa, kailangan mas ganito pa pala. And yung makeup, yung quality niya, mas lalong nagkaroon [ako] ng knowledge kumbaga."
SILIPIN ANG MGA NAGANAP SA NAGDAANG STORY CONFERENCE NG BAGONG TELESERYE NI MARIAN RIVERA: